Ayon sa datos ng Pambansang Kawanihan ng Estadistika ng Tsina, Disyembre 31, 2023, umabot sa 49 ang purchasing managers' index (PMI) ng sektor ng manupaktura ng Tsina, at ito ay bumaba ng 0.4 kumpara sa nagdaang Nobyembre.
Kumakatawan ang PMI sa kondisyon ng kabuhayan. Ang lampas sa 50 na indeks ay nagpapakita ng paglaki, at ang mas mababa naman sa 50 ay nangangahulugan ng pagliit.
Samantala, nananatiling matatag ang ekspektasyon sa merkado.
Umabot sa 55.9 ang indeks ng business expectation noong Disyembre, na tumaas ng 0.1 kumpara noong isang buwan, bagay na nagpapakitang matatag ang kompiyansa ng mga kompanya ng sektor ng manupaktura sa pag-unlad ng merkado.
Ipinalalagay ni Zhao Qinghe, Senior Statistician ng nasabing kawanihan, na noong nagdaang taon, tuluy-tuloy na lumiliit ang sektor ng manupaktura ng mga pangunahing ekonomiya sa Europa at Amerika.
Aniya, sa kasalukuyan, tumataas ang mga masalimuot, matindi at di-tiyak na elemento sa kapaligirang panlabas, nahaharap ang ilang kompanya sa mga kahirapang gaya ng pagbabawas ng mga order sa ibayong dagat at di-sapat na pangangailangang domestiko.
Salin: Vera
Pulido: Ramil