Inihayag, Enero 3, 2024 ni Tagapagsalita Wang Wenbin ng Ministring Panlabas ng Tsina, na handang magkaloob ng kinakailangang tulong ang panig Tsino sa gawaing panaklolo sa prepekturang Ishikawa ng Hapon.
Ang nasabing prepektura ay niyanig ng serye ng mga lindol kamakailan.
Samantala, sinabi ni Wang na hanggang sa kasalukuyan, wala pang naitatalang kasuwalti mula sa mga mamamayang Tsinong nasa Hapon.
Hinggil dito, patuloy at mahigpit na susubaybayan ng Ministring Panlabas ng Tsina, at pasuguan at mga konsuladang Tsino sa Hapon ang kalagayan ng nilindol na purok, para napapanahong mabigyang-tulong ang mga Tsino sa bansa, dagdag niya.
Ayon sa ulat, hanggang Enero 4, 2024, di-kukulangin sa 82 katao ang napa-ulat na nasawi sa nasabing 7.6 magnitude na lindol, samantalang 80 iba pa ang nawawala.
Salin: Vera
Pulido: Rhio