Pagpapalawig ng suspensyon sa pribilehiyo ng taripa sa ilalim ng ECFA, tinitingnan ng Chinese mainland

2024-01-10 16:25:56  CMG
Share with:

Iniisip ng Chinese mainland na itigil ang mga pribilehiyo sa taripa ng mas marami pang produktong inaangkat ng bansa mula sa rehiyong Taiwan, bilang tugon sa mga paghihigpit sa kalakalan at pampulitikang pagkilos ng isla, ayon sa sa Ministri ng Komersyo ng Tsina, Enero 9, 2024.

Anito, maaaring maisama rito ang mga produktong agrikultural, pangisdaan, at makinarya, mga piraso ng kotse, at mga tela na kasalukuyang nakakakuha ng mga preperensyal na taripa sa ilalim ng Economic Cooperation Framework Agreement (ECFA).

Matatandaang inihayag ng Customs Tariff Commission ng Konseho ng Estado ng Tsina noong Disyembre 21, 2023, na isususpinde mula Enero 1, 2024, ang preperensyal na taripa para sa 12 na produkto mula sa Taiwan, tulad ng propylene at paraxylene.

Ginawa ng mainland ang desisyong ito bilang tugon sa unilateral at diskriminatoryong mga paghihigpit sa kalakalan ng Taiwan, ayon sa nasabing konseho.

Samantala, hindi ipinatupad ng Democratic Progressive Party (DPP) ng Taiwan ang anumang konkretong hakbang para tanggalin ang mga paghihigpit sa kalakalan sa mainland mula nang ilabas ang nasabing pahayag.

Ang ECFA ay isang komprehensibong kasunduan sa ekonomiya sa pagitan ng magkabilang pampang at naglalayong bawasan ang mga hadlang sa komersyo sa pagitan ng mainland at Taiwan.

Salin:Sarah

Pulido:Rhio