Ayon sa Ministri ng Seguridad na Pampubliko ng Tsina, inilipat Martes, Enero 30, 2024 ng panig pulisya ng Myanmar ang anim na pangunahing pinuno ng mga Kokang telecom fraud gang at apat na iba pang pangunahing kriminal na suspek sa Tsina.
Pinapakita nito ang mga kapansin-pansing bunga ng kooperasyon ng panig pulisya ng Tsina at Myanmar sa pagpapatupad ng batas, at nagpapakita rin ng matibay na determinasyon at malakas na mithiin ng dalawang bansa sa magkasamang paglaban sa transnasyonal na krimen ng telecom fraud, at magkasamang pangangalaga sa seguridad at katatagan, anang ministri.
Matatandaang noong Disyembre 10, 2023, inisyu ng panig pulisya ng Tsina ang isang public reward para sa 10 pangunahing lider ng mga telecom fraud criminal gang sa rehiyon ng Kokang, at ipinadala ang isang working group sa Myanmar.
Ang paglilipat ng mga kriminal na suspek nitong Martes ay bunga ng komong palagay ng dalawang bansa pagkatapos ng ilang round ng talastasan at konsultasyon.
Sinabi ng isang opisyal ng nasabing ministri na hanggang sa kasalukuyan, 44,000 suspek ng telecom fraud, na kinabibilangan ng 2,908 nakatakas na akusado ang inilipat sa Tsina mula sa Myanmar.
Aniya, pananatilihin ng panig pulisya ng Tsina ang pakikitungo ng mataas na presyur, para bigyang-dagok ang ganitong uri ng krimen, patuloy na palalalimin ang pandaigdigang kooperasyon sa pagpapatupad ng batas, at aarestuhin ang mga pangunahing lider ng mga telecom fraud criminal gang.
Salin: Vera
Pulido: Ramil