Ngayong araw, Pebrero 9, 2024 ay bisperas ng Pestibal ng Tagsibol o Chinese New Year sa kalendaryong Tsino.
Alas-8:00 ngayong gabi, nakatakdang magsimula ang 2024 Spring Festival Gala na hatid ng China Media Group (CMG).
Nitong mahigit apat na dekada sapul nang pasinayaan ito noong 1983, ang panonood ng Spring Festival Gala, kasama ng pagsasalu-salo, pagtitipun-tipon ng pamilya, at pagdidikit ng mga couplet ay nakaugalian na ng mga Tsino para salubungin ang bagong taon.
Higit pa rito, simula 2024, opisyal nang itinakda ng United Nations ang Spring Festival bilang floating holiday nito.
Chun Wan ng bayan at para sa bayan
Chun Wan ang tawag ng mga mamamayang Tsino sa Spring Festival Gala. Ang Chun ay nangangahulugang tagsibol at ang literal na ibig sabihin naman ng Wan ay gabi.
Tulad ng lagi, maraming karaniwang tao ang magtatanghal sa 2024 Chun Wan. Mapapanood ang mga palabas na nilalahukan ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang sektor. Kabilang dito ang mga kusinero, retiradong teknisyan, pulis, atleta, astronaut, mananaliksik, arkeologo. Itinatanghal nila ang samu’t saring palabas na gaya ng dula-dulaan at kantahan.
Ang mga kinatawan mula sa higit 50 sektor habang kumakanta
Panonood ng Chun Wan, biyahe sa sibilisasyong Tsino
Taun-taon, tampok sa Spring Festival Gala ang 5,000 taong kalinangang Tsino. Kitang kita rin ang integrasyon ng tradisyonal na kultura at bagong teknolohiya. Bunga nito, maraming padrong tradisyonal ang ipinakikita sa entablado ng 2024 Chun Wan. Ang naturang mga padron ay mula sa telang brokado ng mga dinastiya ng sinaunang Tsina.
Ginuhit ang mga ito ng 93 taong gulang na si Ginang Chang Shana, mananaliksik sa Mogao Grottos sa Dunhuang, lalawigang Gansu, sa dakong kanluran ng Tsina. Ang lahat ng dibuho ay sumisimbolo sa magagandang hangarin ng kaligayahan at kasaganaan.
Si Ginang Chang Shana habang gumuguhit ng mga padron ng sinaunang telang brokado
Ang palabas na nagtatampok sa kagandahan ng telang brokadong Tsino
Inobasyong panteknolohiya, tampok sa gala
Ipinakikilala rin sa 2024 Spring Festival Gala ang makabagong paggamit ng virtual production (VP) film production mode at paglikha ng extended reality (XR) at VP fusion ultra-high-definition production system, na lumikha ng isang kahanga-hanga at parang buhay na espasyong virtual-physical.
Ang kabigha-bighaning hitsura ng lumilipad na dragon
May limang venue ang 2024 Spring Festival Gala, kung saan ang Beijing bilang main venue at ang 4 na sub-venue ay matatagpuan sa mga lunsod na Shenyang, Xi'an, Kashgar, at Changsha.
Chun Wan, pandaigdigang piyesta
Sa 2024 Spring Festival Gala, ang mga kaibigang dayuhan ay magtatanghal din. Kasabay nito, mapapanood live ang gala sa apat na sulok ng daigdig.
Ang mga panauhing dayuhan habang kumakanta
Salin/Edit: Jade
Pulido: Ram