Pebrero 17, 2024, Ika-60 Munich Security Conference (MSC) - Bilang tugon sa tanong tungkol sa posisyon ng Tsina sa isyu ng Ukraine, sinabi sa sesyong pinamagatang “Tsina sa Daigdig” ni Ministrong Panlabas Wang Yi, na tuluy-tuloy na nagsisikap ang Tsina para agarang mapanumbalik ang talastasan sa isyung ito.
Aniya, kahit isang araw lamang na mas maagang mapanumbalik ang talastasan, mababawasan ang kapinsalaan sa lahat ng panig.
Inulit din niya ang paninindigan ng Tsina sa nasabing isyu, na kinabibilangan ng paggalang sa soberanya at kabuuan ng teritoryo ng lahat ng mga bansa, pagtataguyod sa mga layon at prinsipyo ng Karta ng United Nations (UN), seryosong pagsasaalang-alang sa mga lehitimong panseguridad na pagkabahala ng lahat ng mga bansa, at pagsuporta sa lahat ng pagsisikap na makakatulong sa mapayapang paglutas sa krisis.
Kaugnay naman ng pananaw ng Tsina sa Budapest Memorandum tungkol sa pagtatakwil ng Ukraine ng mga sandatang nuklear na naiwan ng USSR, sinabi ni Wang, na ang Tsina ay hindi signataryong panig sa nasabing memorandum, at kinikilala nito ang bisa ng memorandum sa pamamagitan ng isang pahayag ng pamahalaan.
Aniya, pagkaraang sumiklab ang krisis sa Ukraine, minsan nang tinukoy ng Tsina, na hindi dapat gamitin ang armas nuklear, hindi dapat ilunsad ang digmaang nuklear, at dapat magkakasamang pangalagaan ng iba’t-ibang panig ang kaligtasan ng mga materyal at pasilidad-nuklear.
Editor: Liu Kai
Pulido: Rhio Zablan