Sa ngalan ng mga bansang Arabe, inilahad ng Algeria ang panukalang resolusyon sa United Nations Security Council (UNSC) hinggil sa agarang pagkakaroon ng tigil-putukan sa Gaza Strip.
Kabilang sa mga laman nito ay agarang pagsasakatuparan ng tigil-putukan, agarang pagpapalaya sa lahat ng bihag, paggarantiya sa pagpasok ng makataong materyal, pagtutol sa sapilitang migrasyon, at iba pa.
Pero, muling ibineto ng Amerika ang panukala.
Bilang reaksyon, sunud-sunod na ipinahayag ng mga miyembro ng UNSC, na kinabibilangan ng Tsina, ang mahigpit na pagbatikos.
Sapul nang sumiklab ang bagong sagupaan sa pagitan ng Palestina at Israel noong Oktubre 2023, isinagawa ng UNSC ang 8 pagboto hinggil sa isyu ng Palestina at Israel, pero 2 resolusyon lang ang napagtibay.
Dahil sa maraming beses na pagbeto ng Amerika sa mga panukala, hindi nito pinahahalagahan ang buhay ng mga mamamayan sa Gaza Strip, at ito ang pinakamalaking hadlang sa kapayapaan sa naturang lugar.
Ayon sa mga tagapag-analisa, ayaw ng ilang pulitikong Amerikano na magalit ang Israel dahil posibleng maapektuhan nito ang eleksyon sa Amerika ngayong taon.
Bukod diyan, sa pamamagitan ng pagbeto sa mga panukalang resolusyon sa UNSC, mas maraming oras ang ibinibigay ng Amerika sa Israel upang puksain ang Hamas.
Ang tigil-putukan ay komong palagay ng buong mundo. Pero, ang aksyon ng Amerika ay tila pagkakaloob ng tulong-militar sa Israel, at nagpapalala ng sagupaan.
Dapat isagawa ng UNSC ang lalo pang aksyon hinggil dito, at ang pagbeto ng Amerika ay hindi dapat maging hadlang sa tigil-putukan sa Gaza Strip.
Salin:Sarah
Pulido:Rhio