Binuksan ngayong umaga, Marso 5, 2024 sa Beijing ang Ika-2 Sesyon ng Ika-14 na Pambansang Kongresong Bayan ng Tsina (NPC), na dinaluhan ang seremonya ng pagbubukas ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina.
Sa kanyang government work report (GWR), sinabi ni Premyer Li Qiang ng Tsina, na noong 2023, ipinatupad ng pamahalaang Tsino ang mga pangunahing target ng pag-unlad ng kabuhayan at lipunan.
Ayon sa GWR, ang kabuuang halaga ng produksyong panloob (GDP) ng Tsina noong 2023 ay lumampas sa 126 trilyong yuan Renminbi na lumaki ng 5.2% kumpara sa taong 2022.
Ang bilang ng karagdagang trabahador naman sa mga lunsod at bayan noong 2023 ay umabot sa mahigit 12.4 milyon.
Sa pulong, iniharap ni Li ang mga pangunahing target ng pag-unlad ng Tsina sa taong 2024 na kinabibilangan ng mga sumusunod:
Ang bahagdang paglaki ng GDP ay aabot sa mga 5%.
Ang bilang ng mga bagong karagdagang trabahador ay aabot sa mahigit 12 milyon.
Magkasamang lalaki ang kita ng mga mamamayang Tsino at kabuhayang Tsino.
Ang output ng pagkaing-butil ay aabot sa mahigit 650 milyong tonelada.
Mananatiling maganda ang kalidad ng kapaligirang ekolohikal.
Salin: Ernest
Pulido: Ramil