Pananaw ng dalubhasang Pilipina sa GWR ng Tsina, inalam

2024-03-07 22:03:17  CMG
Share with:

 

Sa inilibas na Government Work Report (GWR) ni Premyer Li Qiang ng Tsina sa Ika-2 Sesyon ng Ika-14 na Pambansang Kongresong Bayan ng Tsina (NPC), itinakda ang mga 5% bilang target sa paglaki ng kabuuang halaga ng produksyong panloob (GDP) ng bansa sa taong ito.

 

Kaugnay nito, kinapanayam ng Serbisyo Filipino ng China Media Group (SF-CMG) si Prof. Anna Rosario Malindog-Uy, kasalukuyang kumukuha ng Ph.D. in Economics sa Peking University at isang ring dalubhasa sa larangang pulitikal.

 

Ayon kay Prof. Anna, maingat at maayos ang target na ito, dahil kasalukuyang tinataguyod ng Tsina ang isang ekonomikong modelo bilang landas ng paglago at higit pa sa de-kalidad na pag-unlad.

 

Sinabi niya na nais ng Tsina na magkaroon ng balanse sa pagitan ng pag-unlad ng modernisasyon at ekonomikong pag-unlad, kasabay ng pagkakaroon ng sustenableng pag-unlad na nakatutok sa berdeng enerhiya.

 

Ang 5% target ng Tsina ay kayang makamit, at hindi rin ito tungkol sa bilis ng paglaki ng GDP pero, sa mataas na kalidad, dagdag pa niya.  

 

Habang isang magandang pagkakataon para pasulungin ang de-kalidad na pag-unlad, reporma, pagiging bukas sa labas, at isakatuparan ang win-win na sitwasyon sa pagitan ng Tsina at Pilipinas, ang binuong salitang New Quality Productive Forces.

 

Hinggil dito, ang pinakabuod ng New Quality Productive Forces para kay Prof. Anna ay tumutukoy sa makabagong teknolohiya at nakatutok ito sa berdeng teknolohiya, na kung saan kasalukuyang nangunguna ang Tsina pagdating sa mga makabagong teknolohiya, artificial intelligence (AI), at berdeng teknolohiya.

 

Saad niya, kung maganda ang relasyon ng Tsina sa iba’t ibang bansa, lalo na sa Asya, makikinabang ang mga bansa dito sa pamamagitan ng pagbabahagi ng teknolohiya, dahil isinasagawa ng Tsina ang kalakalan at namumuhunan din sa mga bansa sa Asya.

 

Ang New Quality Productive Forces ay talagang tungkol sa makabagong teknolohiya, na may kinalaman sa teknolohiya ng impormasyon, robotics, AI, pati na rin ang pagtataguyod ng biosciences, dagdag pa niya.

 

Para naman sa isinulong na pambansang modernisasyon ng Pilipinas at Tsina, makikinabang ang mga mamamayan ng dalawang bansa at mababasa ito sa Joint Statement na pinirmahan noong taong 2023.

 

Ayon kay Prof. Anna, ang balangkas ng ekonomiya ng Pilipinas at Tsina ay kinakatawan ng win-win na sitwasyon, na kinabibilangan ng kalakalan, na kung magiging matatag at papasok ang pamumuhunan ng Tsina, makikinabang ang Pilipinas sa usaping modernisasyon.

 

Sinabi niya, na makikinabang ang dalawang bansa dahil sa pagpapalitan ng kalakalan, pagpapalitang teknolohikal, at lalo nitong mapapabuti ang relasyon ng pagpapalitang tao-sa-tao, diplomasya, at magandang koneksyon ng ugnayan.

 

Talagang makikinabang ang Pilipinas dahil malaki ang merkado ng Tsina para sa mga produktong Pilipino at isang malaking mamumuhunan ang mga Tsino para sa pagpapaunlad ng imprastraktura, dagdag pa niya.

 

Samantala, isa sa mga pangunahing larangan ng pagtutulungan ng Pilipinas at Tsina ay ang pagpapalitang tao-sa-tao at ang taong 2024 ay ASEAN-China Year of People-to-People Exchanges.

 

Sinabi ni Prof. Anna na ang pagpapalitang tao-sa-tao ay napakahalaga sa pagitan ng Pilipinas at Tsina, dahil mapapalakas at mapapahigpit nito ang ugnayan ng dalawang bansa sa pamamagitan ng pagpapalitan.

 

Sinabi rin niya na ang ginanap na seremonya ng paglulunsad ng ASEAN-China Year of People-to-People Exchanges sa Fujian kamakailan ay isang magandang simula para sa Pilipinas dahil, mapapalago nito ang pagpapalitang kultural, magkakaroon ng matinding pagkakaunawaan, respeto, at edukasyon.

 

Ang pagkakaunawaan, pagkakaibigan ng relasyon ng dalawang bansa ay lalong lumalalim, hindi lang sa pagitan ng Pilipinas at Tsina pati na rin sa mga kasaping bansa ng ASEAN at kung ito ay ipagpapatuloy, ang mga hindi pagkakaunawaan ng mga bansa sa rehiyon ay madaling mabibigyan ng solusyon, dagdag pa niya.

 

Habang walong taon na hanggang sa kasalukuyan nagsisilbing pinakamalaking trading partner ng Pilipinas ang Tsina, at ayon sa inilabas na GWR ng Tsina, ipinangako nito na ibayo pang pasusulungin ang reporma, pagiging bukas sa labas, pagpapabuti ng kapaligiran ng negosyo, at pagpapasulong ng makabagong enerhiya.

 

Para kay Prof. Anna, pinakamalaking trading partner ng Pilipinas ay ang Tsina at dapat talagang magtulungan ang dalawang bansa dahil, pinakamalaking merkado sa buong mundo sa kasalukuyan ang Tsina at maaaring pakinabangan ng Pilipinas ang magandang relasyon nito sa pag-aangkat ng mga produkto at makikinabang ang Pilipinas sa mga kikitain dito.

 

Saad niya, mas mainam na maging aktibo ang kasalukuyang pamahalaan ng Pilipinas sa Belt and Road Initiative, dahil ito ang pinakamalaki at matagumpay sa buong mundo pagdating sa imprastraktura at didyital na kailangang kailangan ng Pilipinas para sa modernisasyon.

 

Isa pang lugar na maaaring palaguin ng dalawang bansa ang relasyon ay ang agrikultura, isa ang Tsina sa pinakamodernong agrikultural na bansa at kung makakakuha ang Pilipinas ng mga impormasyong tekonolohikal mula sa Tsina para sa lokalidad, magkakaroon ito ng malaking pag-asa, dagdag pa niya.  


Ulat/Larawan: Ramil Santos

Patnugot: Liu Kai