MOFA: inaasahan at hinihikayat ang higit pang pagpapalitan ng mga mamamayan ng Tsina at Amerika

2024-03-12 16:05:18  CMG
Share with:

Sa liham na ipinadala kamakailan kay Pangulong Xi Jinping ng Tsina, sinabi ni London Nicole Breed, Mayor ng San Francisco, California, Amerika, na ang talumpati ni Pangulong Xi sa welcome banquet ng mga mapagkaibigang organisasyon ng Amerika, na idinaos noong Nobyembre, 2023, ay nakatuon sa di-pampamahalaang pundasyon ng relasyong Sino-Amerikano.

 

Aniya, nakahanda ang San Francisco na pasulungin ang pagkakaibigan ng dalawang bansa sa pamamagitan ng pagpapalitang kultural at tao-sa-tao, at handa na ang lunsod para sa pagdating ng mga higanteng panda.

 

Kaugnay nito, ipinahayag Marso 11, 2024, ni Wang Wenbin, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na ang pagtatagpo noong Nobyembre 2023 sa San Francisco nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Joe Biden ng Amerika, ay naabot ng dalawang pinuno ng estado ang isang serye ng kasunduan hinggil sa pagpapaunlad ng relasyong Sino-Amerikano at binuksan ang “San Francisco Vision,” para sa matatag, malusog at sustenableng pag-unlad ng relasyong Sino-Amerikano.

 


Ipinahayag din ni Wang na inaasahan at higit pang hinihikayat ng Tsina ang mas maraming pagpapalitan sa pagitan ng mga mamamayan ng Tsina at Amerika at nakahanda ang Tsina na patuloy na isagawa ang pakikipagtulungan sa Amerika sa pangangalaga sa mga higanteng panda.

 

Salin:Sarah

Pulido:Ramil