Paggalang sa mga katotohanang pangkasaysayan kaugnay ng South China Sea, mahalaga

2024-03-15 18:00:17  CMG
Share with:

Bilang tugon sa pahayag tungkol sa isyu ng South China Sea (SCS) na inilabas kamakailan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng Pilipinas sa panahon ng pagdalaw sa Alemanya, sinabi kahapon, Marso 14, 2024, ni Tagapagsalita Wang Wenbin ng Ministring Panlabas ng Tsina, na mahalaga ang paggalang sa mga katotohanang pangkasaysayan kaugnay ng SCS, at batay dito, nakahanda ang Tsina, kasama ng mga bansang may direktang kinalaman sa isyung ito, na patuloy na isagawa ang mga talastasan at pagsasanggunian para maayos na hawakan ang mga pagkakaiba.

 

Tinukoy ni Wang, na ang Tsina ay unang bansang tumuklas, nagngalan, naggalugad, at gumamit ng mga isla at karagatang nakapaligid sa SCS, at Tsina rin ang unang bansang tuluy-tuloy, mapayapa, at epektibong nagpapatupad ng mga soberanong karapatan at hurisdiksyon sa mga isla at karagatang nakapaligid sa SCS.

 

Dagdag niya, pagkaraan ng Ika-2 Digmaang Pandaigdig, alinsunod sa Deklarasyon ng Cairo at Proklamasyon ng Potsdam, binawi ng pamahalaang Tsino ang mga isla sa SCS na ilegal na sinakop ng Hapon sa panahon ng digmaang pananalakay nito laban sa Tsina, at pinanumbalik ang pagpapatupad ng soberanya sa mga islang ito.

 

Ani Wang, ang soberanyang teritoryal at mga karapatan at kapakanang pandagat ng Tsina sa SCS ay binubuo ng soberanya sa mga isla; pagkakaroon ng internal waters, territorial sea, at contiguous zone batay sa mga isla; pagkakaroon ng exclusive economic zone at continental shelf batay sa mga isla; at mga karapatang pangkasaysayan sa SCS. Ang nabanggit na mga posisyon aniya ay angkop sa mga kinauukulang pandaigdigang batas at kagawian.

 

Sinabi rin ni Wang na ang “dotted line” sa SCS ay inilabas noong 1948 ng pamahalaang Tsino, at itinataguyod ito ng sumusunod na mga pamahalaan ng Tsina. Sa mahabang panahon aniya, hindi ito kinuwestiyon ng anumang bansa.

 

Paliwanag niya, hindi kailaman inangkin ng Tsina ang pagmamay-ari ng buong SCS. Ani Wang, sinasabi ng panig Pilipino na inaangkin ng Tsina ang buong karagatan sa loob ng “dotted line” bilang teritoryo nito, pero ito ay taliwas sa katotohanan, at ito rin ay sinasadyang pagbabaluktot sa posisyon ng Tsina.

 

Hinihimok aniya ng Tsina ang Pilipinas, na itigil ang panlilinlang sa komunidad ng daigdig, itigil ang paggamit ng isyu ng SCS para mag-udyok ng mga hidwaan, at itigil ang pananamantala sa mga puwersang labas ng rehiyong ito para sirain ang kapayapaan at katatagan sa SCS.

 

Ipinahayag din ni Wang na bago lutasin ang mga hidwaan sa SCS, nakahanda ang Tsina na magsikap kasama ng mga bansang may direktang kinalaman sa isyung ito para kontrulin ang situwasyon, aktibong isagawa ang win-win na kooperasyong pandagat, at pangalagaan ang kapayapaan at katatagan sa karagatang ito.


Editor: Liu Kai
Pulido: Ramil Santos