Natapos, Marso 21, 2024 ni Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina ang kanyang pagdalaw sa Australia.
Ipinalalagay ng tagalabas na ang nasabing pagdalaw ay ibayo pang makakapagpasulong sa umiinit na relasyong Sino-Australian.
Ang kasalukuyang taon ay ika-10 anibersaryo ng pagkakatatag ng komprehensibo’t estratehikong partnership ng Tsina at Australia.
Nitong nakalipas na isang dekada, pabagu-bago ang bilateral na relasyon, at sanhi ng maling patakaran sa Tsina na isinagawa ng dating pamahalaan ng Australia, sumama ang relasyong Sino-Australian sapul noong 2018.
Sa kanyang mga pakikipagtagpo at pakikipag-usap sa mga opisyal ng Australia, nilagom ni Wang Yi ang mga karanasan at aral ng pag-unlad ng bilateral na relasyon noong nagdaang dekada, at tinukoy niyang bumalik na sa tumpak na landas ang relasyong Sino-Australian, kaya dapat buong tatag itong umabante.
Inihayag naman ng panig Australian na ang relasyon ng dalawang bansa ay hindi dapat bigyang liwanag ng mga pagkakaiba at alitan, at kailangang hanapin hangga’t makakaya ang komong interes ng kapuwa panig.
Sa pananaw ng tagapag-analisa, kung ninanais ng Australia ang win-win na pag-unlad, kailangang baguhin nito ang estratehiya ng pagsugpo sa Tsina, kasunod ng Amerika, at batay rito, pasulungin ang bilateral na relasyon sa Tsina sa mas mataas na antas.
Dapat igiit ang paggagalangan, at matalinong kontrolin ang mga alitan. Lalong lalo na ang paggalang ng Australia sa nukleong interes at mahahalagang pagkabahala ng Tsina sa mga isyung gaya ng Taiwan, Hong Kong, Xinjiang, Tibet, South China Sea at iba pa.
Bukod dito, importanteng importante para sa pag-unlad ng relasyong Sino-Australian ang pagsasarili at pagpapasiya sa sarili.
Ang Australia ay kaalyansa at katuwang ng Amerika at higit sa lahat, isang soberanong bansa rin ito.
Ipinagdiinan ng panig Tsino na ang pag-unlad ng relasyong Sino-Australia ay hindi nakakatuon sa ika-3 panig, at hindi rin ito dapat magambala at mahadlangan ng ika-3 panig.
Ang kooperasyong pangkabuhaya’t pangkalakalan ay pinakamasiglang puwersang makakapagpasulong sa relasyon ng Tsina at Australia.
Kasabay ng pagbuti ng relasyong pulitikal ng dalawang bansa, magiging mas maalwan ang bilateral na kalakalan.
Sa kasalukuyan, komprehensibong pinapasulong ng Tsina ang modernisasyong Tsino, at nagkakaloob ito ng mas maraming pagkakataon sa iba’t ibang bansang kinabibilangan ng Australia.
Nilinaw din ang direksyon ng pag-unlad ng relasyong Sino-Australian at dapat umabante ito nang matatag, mainam at pangmalayuan.
Ito ay hindi lamang angkop sa komong kapakanan ng mga mamamayan ng dalawang bansa, kundi unibersal na pag-asa rin ng mga bansa sa rehiyon.
Salin: Vera
Pulido: Ramil