Iniharap ngayong araw, Marso 25, 2024 ng embahadang Tsino sa Pilipinas ang solemnang representasyon sa panig Pilipino hinggil sa pangyayari noong nakaraang Sabado, Marso 23 sa Ren’ai Jiao.
Tinukoy ng embahadang Tsino na, lumabag ang panig Pilipino sa pangako nito at nagbulag-bulagan sa pagtutol at alerto ng panig Tsino.
Sapilitan anitong pumasok sa karagatan ng Ren’ai Jiao ang isang bapor-pansuplay at dalawang barko ng Philippine Coast Guard (PCG) upang maghatid ng materyales-pangkonstruksyon at kumpunihin ang sadyang-isinadsad na BRP Sierra Madre.
Anang Embahadang Tsino, batay sa batas ng Tsina, isinagawa ng China Coast Guard (CCG) ang pagpapatigil at pagpapaalis sa bapor ng Pilipinas at ang gawain ng CCG ay makatwiran, legal, propesyonal at istandard.
Idiniin ng embahadang Tsino na ang Ren’ai Jiao ay bahagi ng Nansha Qundao ng Tsina at may di-mapabubulaanang soberanya ang Tsina sa Nansha Qundao at rehiyong pandagat sa paligid nito.
Ang soberanya, karapatan at kapakanan ng Tsina sa South China Sea (SCS) ay nabuo sa proseso ng mahabang kasaysayan at ito ay mayroong lubos na basehan sa kasaysayan at batas, saad pa ng emabahada.
Anito, iligal at walang bisa ang di-umanoy desisyon ng arbitral tribunal noong 2016.
Ang anumang paninindigan at aksyong batay sa nabanggit na desisyon ay hindi tinatanggap, at hindi kinikilala ng panig Tsino, anang embahada.
Hinihimok anito ng panig Tsino ang panig Pilipino na agarang itigil ang panghihimasok at probokasyon, ipakita ang katapatan at bumalik sa tamang landas ng diyalogo at pagsasanggunian para magkasamang pangalagaan, kasama ng panig Tsino, ang katatagan at kapayapaan sa SCS sa pamamagitan ng aktuwal na aksyon.
Idiniin din nito na kung ipagpapatuloy ng panig Pilipino ang paninindigan at aksyon, patuloy na gagamitin ng panig Tsino ang determinadong hakbangin para pangalagaan ang sariling teritoryo, soberanya at karapatang pandagat.
Salin: Ernest
Pulido:Rhio