Great Hall of the People, Beijing – Sa kanyang pakikipag-usap Lunes, Marso 25, 2024 kay dumadalaw na Pangulong David Adeang ng Nauru, winelkam ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang pagsali ng Nauru sa Belt and Road Initiative.
Kasama ng Nauru, nakahanda aniya ang Tsina na palawakin ang kanilang pragmatikong kooperasyon sa mga larangang gaya ng kalakalan, pamumuhunan, at imprastruktura, at ipagkaloob ang walang pasubaling pulitikal na tulong para sa pagsasakatuparan ng Nauru ng independiyente’t sustenableng pag-unlad.
Tinukoy ni Xi na dapat palakasin ng kapuwa panig ang pagpapalitan sa edukasyon, kultura, kalusugan, kabataan at iba pang larangan, at winewelkam ang pag-aaral ng mas maraming kabataan ng Nauru sa Tsina.
Inihayag din niya ang kahandaang ipagkaloob sa Nauru ang tulong sa pagharap sa pagbabago ng klima, sa loob ng balangkas ng South-South Cooperation.
Palalakasin ng Tsina ang pakikipag-ugnayan at pakikipagkoordina sa Nauru sa mga multilateral na larangang gaya ng United Nations (UN) at Pacific Islands Forum, at magkasamang imumungkahi ang pantay at maayos na multi-polarisasyon ng mundo at ekonomikong globalisasyon na may unibersal na benepisyo at pagbibigayan, at pangangalagaan ang komong kapakanan ng mga umuunlad na bansa, dagdag ni Xi.
Saad naman ni Adeang, nakahanda ang Nauru na sundin ang prinsipyong isang-Tsina, walang humpay na palalimin ang kooperasyon sa Tsina, palakasin ang pagpapalitan ng mga tauhan at kooperasyon sa iba’t ibang larangan, tularan ang mga karanasan ng Tsina, at paunlarin ang mabunga’t win-win na partnership na may mutuwal na kapakinabangan.
Aktibong sasali rin aniya ang Nauru sa kooperasyon ng Belt and Road, ipapatupad ang Global Development Initiative, Global Security Initiative at Global Civilization Initiative, at palalakasin ang kooperasyon sa Tsina sa pagharap sa pagbabago ng klima.
Pagkatapos ng pag-uusap, magkasamang sinaksihan ng dalawang lider ang paglagda sa mga dokumento ng bilateral na kooperasyon sa mga larangang kinabibilangan ng kooperasyon ng Belt and Road, Global Development Initiative, kaunlarang ekonomiko, agrikultura at iba pa.
Salin: Vera
Pulido: Ramil