Tsina, iniharap ang mahigpit na representasyon sa Pilipinas kaugnay ng misyon ng pagsusuplay sa Ren'ai Jiao

2024-03-26 08:37:18  CMG
Share with:

Sa kanyang pakikipag-usap sa telepono, Marso 25, 2024, kay Pangalawang Kalihim Ma. Theresa Lazaro ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas ng Pilipinas, iniharap ni Pangalawang Ministrong Panlabas Chen Xiaodong ng Tsina ang mahigpit na representasyon kaugnay ng muling pagsasagawa ng panig Pilipino ng misyon ng pagsusuplay sa iligal na nakasadsad na bapor pandigma sa Ren'ai Jiao.

 

Tinukoy ni Chen, na noong Marso 23, ipinadala ng Pilipinas ang dalawang bapor ng coast guard at isang bapor ng pagsusuplay, para pumasok sa karagatan ng Ren'ai Jiao at ihatid ang mga suplay na kinabibilangan ng materyales pangkonstruksyon, sa pagtatangkang itayo ang permanenteng military outpost at isagawa ang pangmatagalan at iligal na pagsakop sa naturang reef. Ito aniya ay grabeng lumalabag sa soberanya sa teritoryo at mga karapatan at kapakanang pandagat ng Tsina, at nakakasira rin sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon.

 

Binigyang-diin ni Chen, na di-mapapabulaanan ang soberanya ng Tsina sa Nansha Qundao, na kinabibilangan ng Ren'ai Jiao at mga nakapaligid na karagatan. Aniya, ang paulit-ulit na pagsasagawa ng Pilipinas ng mga probokatibong aksyon sa Ren'ai Jiao ay ugat ng paglala ng tensyon sa isyung ito.

 

Ani Chen, muling hinihimok ng Tsina ang Pilipinas na sundin ang mga pangako, itigil ang mga aksyon ng paglabag sa karapatan at probokasyon sa dagat at mga unilateral na hakbangin na maaaring magpalubha sa sitwasyon, at bumalik sa tamang landas ng maayos na paghawak ng mga pagkakaiba sa pamamagitan ng negosasyon at pagsasanggunian sa Tsina.

 

Dagdag pa niya, patuloy na gagawa ang Tsina ng mga kinakailangang hakbangin alinsunod sa mga domestiko at pandaigdigang batas, para buong tatag na mapangalagaan ang soberanya sa teritoryo ng bansa at mga karapatan at kapakanan sa karagatan.

 

Inilahad din ni Chen ang solemnang posisyon ng Tsina sa pagpapasulong ng Pilipinas sa lehislasyon ng "Maritime Zones Act," at mga probokatibong aksyon sa Huangyan Dao at Tiexian Jiao.

 

Sinabi niyang, ang naturang lehislasyon ay tangka ng Pilipinas na gamitin ang iligal na arbitral award sa South China Sea (SCS) at ilakip sa pamamagitan ng domestikong batas sa "maritime zones" nito ang Huangyan Dao, karamihan sa mga isla at reef ng Nansha Qundao, at mga nakapaligid na karagatan ng Tsina. Ito aniya ay lumabag sa soberanya sa teritoryo at mga karapatan at kapakanang pandagat ng Tsina, at magdudulot ng panganib sa kapayapaan at katatagan ng SCS at bilateral na relasyon ng dalawang bansa.

 

Dagdag ni Chen, di-mapapabulaanan ang soberanya ng Tsina sa Huangyan Dao, Tiexian Jiao, at mga nakapaligid na karagatan. Aniya, ang paulit-ulit na pagpapadala ng Pilipinas ng mga bapor at eroplanong panghukbo at pulis sa karagatan at himpapawid ng Huangyan Dao at pagpapadala ng mga tauhan sa Tiexian Jiao ay lumalapastangan sa soberanya sa teritoryo ng Tsina at lumalabag sa Declaration on the Conduct of Parties in the SCS.

 

Muling hinihimok aniya ng Tsina ang Pilipinas na agarang itigil ang naturang lehislasyon at mga probokatibong aksyon sa dagat.

 

Binigyang-diin din ni Chen, na sa kasalukuyan, nasa krus na daan ang relasyong Sino-Pilipino, at dapat mag-ingat ang Pilipinas sa pagpili ng tamang direksyon. Muling hinihimok aniya ng Tsina ang Pilipinas, na tamang pahalagahan ang mga pagkabahala ng panig Tsino, bumalik sa tamang landas ng maayos na paghawak ng mga pagkakaiba sa pamamagitan ng negosasyon at pagsasanggunian sa Tsina, at pangalagaan kasama ng Tsina ang bilateral na relasyon ng dalawang bansa at kapayapaan at katatagan ng SCS.


Editor: Liu Kai
Pulido: Ramil Santos