Kaugnay ng pinakahuling misyon ng pagsusuplay ng Pilipinas sa Ren'ai Jiao, sinabi Marso 25, 2024, ni Tagapagsalita Lin Jian ng Ministring Panlabas ng Tsina, na ang katotohanan ng misyong ito ay para maghatid ng materyales pangkonstruksyon, sa halip na mga kinakailangang bagay. Ito aniya ay tangka ng Pilipinas na itayo ang permanenteng outpost sa walang naninirahang reef ng Tsina at isagawa ang pangmatagalan at iligal na pagsakop dito.
Tinukoy ni Lin, na ang Ren'ai Jiao ay bahagi ng Nansha Qundao ng Tsina, at palagiang bahagi ng teritoryo ng bansa. Aniya, ang naturang aksyon ng Pilipinas ay pagtaliwas sa sariling mga salita, pagtalikod sa pangako sa Tsina, at paglabag sa ikalimang artikulo ng Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea (SCS).
Ani Lin, sa harap ng matigas na paglalayag ng mga bapor ng Pilipinas, isinagawa ng coast guard ng Tsina ang mga kinakailangang hakbangin ng pagpapatupad ng batas. Ang mga aksyong ginawa ng panig Tsino aniya ay makatwiran, alinsunod sa batas, propesyonal, pagtitimpi, at walang kapintasan.
Hinihimok aniya ng Tsina ang Pilipinas na agarang itigil ang paglabag sa soberanya at karapatan ng Tsina at mga probokatibong aksyon, at kung hindi, patuloy at determinadong isasagawa ng Tsina ang mga hakbangin para pangalagaan ang soberanya sa teritoryo at mga karapatan at kapakanan sa dagat.
Ipinahayag din ni Lin ang pagtutol sa mga pahayag ng Amerika tungkol sa mga pangyayari sa Ren'ai Jiao. Aniya, ang Amerika ay hindi kasali sa isyu ng SCS, pero tuluy-tuloy itong nakikialam, naghahasik ng alitan sa pagitan ng Tsina at Pilipinas, gumagawa ng maling akusasyon laban sa Tsina, at tinatangkang gumawa ng mga kaguluhan sa rehiyon.
Dagdag niya, ginagamit ng Amerika ang US-Philippines Mutual Defense Treaty bilang banta sa Tsina, at kinakatigan din ang mga aksyon ng Pilipinas na lumalabag sa soberanya ng Tsina. Ang ganitong mga hakbangin aniya ay lumalabag sa mga layunin at prinsipyo ng United Nations Charter at nagdudulot ng panganib sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon.
Kaugnay naman ng South China Sea Arbitration, sinabi ni Lin, na salungat ito saligang prinsipyo ng "state consent" sa pandaigdigang batas, at ang award nito ay labag sa batas, walang bisa, at walang binding force. Mabibigo aniya ang anumang tangkang gamitin ang award ng South China Sea Arbitration para sirain ang soberanya sa teritoryo at mga karapatan at kapakanang pandagat ng Tsina.
Dagdag pa ni Lin, walang anumang problema sa kalayaan sa paglalayag sa SCS. Aniya, mahigit 100,000 bapor pangkalakal ang naglalayag taun-taon sa karagatang ito at wala, ni isa, ang nakakaranas ng panghahadlang. Pero aniya, sa pangangatwiran ng kalayaan sa paglalayag, isinasagawa ng Amerika at iilang bansa ang mga aksyon ng paglabag sa karapatan at probokasyon sa dagat, at sinisira ang kapayapaan at katatagan sa SCS. Ito aniya ay purong gangster logic.
Binigyang-diin din ni Lin, na laging nagsisikap ang Tsina para ipagtanggol ang sariling soberanya sa teritoryo at mga karapatan at kapakanan sa dagat, at pangalagaan kasama ng iba pang mga bansa sa rehiyong ito ang kapayapaan at katatagan sa SCS. Umaasa aniya ang Tsina na mapagtatanto ng iba’t ibang panig ang katotohanan, igigiit ang obdiyektibo at makatarungang atityud, at igagalang ang mga karapatan at kapakanan ng Tsina at pagsisikap ng mga rehiyonal na bansa para sa kapayapaan at katatagan sa SCS.
Editor: Liu Kai
Pulido: Ramil Santos