Sa pakikipagtagpo, Abril 10, 2024 sa Beijing ni Xi Jinping, Pangkalahatang Kalihim ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC) sa delegasyon ng kabataan mula sa Taiwan, na pinamumunuan ni Ma Ying-jeou, dating Tagapangulo ng Partido Kuomintang, sinabi niyang ang mga mamamayan ng magkabilang pampang ng Taiwan Strait ay nabibilang sa nasyong Tsino at ang reunipikasyon ng bansa ay tunguhin ng kasaysayan na hindi kayang pigilan ng pakikialam ng anumang dayuhang puwersa.
Nais ni Xi, na magkasamang magsikap ang mga kabataan ng magkabilang pampang tungo sa pangmatagalang kasaganaan ng nasyong Tsino.
Dapat matatag na tutulan ng mga magkababayan ng magkabilang pampang ang separatistang aktibidad ng pagsasarili ng Taiwan at pakikialam ng dayuhang puwersa, at magkasamang hanapin ang magandang kinabukasan ng mapayapang reunipikasyon, dagdag niya.
Saad ni Xi, gagamitin ang mga aktibong hakbangin para pasulungin ang pagpapalagayan ng mga magkababayan ng magkabilang pampang.
Sa kabilang dako, ipinahayag din niya ang pagdadalamhati sa mga biktima ng lindol noong Abril 3 sa katubigan ng Hualien at pakikiramay sa mga apektadong mamamayan.
Sinabi naman ni Ma, na ang paggigiit ng 1992 Consensus at pagtutol sa pagsasarili ng Taiwan ay komong pundasyong pulitikal ng mapayapang pag-unlad ng relasyon ng magkabilang pampang.
Ang mga magkababayan ng magkabilang pampang ay nabibilang sa nasyong Tsino at dapat palalimin ang pagpapalitan at kooperasyon para makalikha ng mas maraming benepisyo, saad niya.
Samantala, nagbahagi rin ng kani-kanilang kuru-kuro ang mga kinatawang kabataan ng Taiwan.
Salin: Ernest
Pulido: Rhio/Jade