Sinabi, Abril 12, 2024, ni Tagapagsalita Mao Ning ng Ministring Panlabas ng Tsina, na taliwas sa katotohanan ang pinakahuling pananalita ni Pangulong Joe Biden ng Amerika tungkol sa mga ginagawa ng Tsina sa mga isyung pandagat, lalung-lalo na sa isyu ng Ren'ai Jiao, at ito ay maling akusasyon sa Tsina. Ipinahayag aniya ng panig Tsino ang kawalang-kasiyahan at pagtutol sa naturang pananalita.
Binigyang-diin ni Mao, na di-mapabubulaanan ang soberanya ng Tsina sa Nansha Qundao, na kinabibilangan ng Ren'ai Jiao at nakapaligid na karagatan, pati rin sa Diaoyu Dao at kaakibat nitong mga isla. Makatwiran at lehitimo aniya ang mga aksyon ng Tsina sa South China Sea (SCS) at East China Sea na ginawa alinsunod sa mga pandaigdigang batas.
Ani Mao, walang problema ang kalayaan sa paglalayag sa South China Sea at sa paglipad sa himpapawid nito. Tumututol aniya ang Tsina sa paglapastangan ng iilang bansa sa soberanya, seguridad, at mga kapakanang pangkaunlaran ng Tsina, sa pangangatwiran ng naturang isyu.
Sinabi rin ni Mao, na iligal at walang bisa ang di-umanong arbitral award sa SCS, at hindi dapat maapektuhan nito ang soberanya sa teritoryo at mga karapatan at kapakanan ng Tsina sa SCS.
Hinihimok aniya ng Tsina ang mga may kinalamang bansa na hindi maging pawn ng Amerika para pigilin ang pag-unlad ng Tsina.
Dagdag ni Mao, ang paggigiit ng Amerika sa kaisipan ng Cold War at paggamit ng mga bilateral na kasunduan ng kaalydo para pagbantaan ang ibang mga bansa ay lumalabag sa Charter ng United Nations at makakapinsala sa rehiyonal na katatagan.
Editor: Liu Kai
Pulido: Ramil Santos