Sinabi, Abril 11, 2024, ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa mga mamamahayag na may "verbal agreement" ang Pilipinas at Tsina tungkol sa pangangasiwa ng kalagayan sa Ren'ai Jiao, kung saan sinang-ayunan ng dalawang panig para maiwasan ang sagupaan, panatilihin ang status quo, at hindi ihahatid ng Pilipinas ang mga materyales upang kumpunihin at patibayin ang nakasadsad na bapor pandigma. Mayroon aniyang "binding force" ang kasunduang ito, pero wala itong layong palitan ang pagkontrol sa South China Sea (SCS), at hindi nagbigay ang kanyang gobyerno ng anuman sa Tsina.
Kaugnay nito at para paliwanagin ang mga pangyayari sa isyu ng Ren'ai Jiao, sinabi Abril 12 ng tagapagsalita ng Embahada ng Tsina sa Pilipinas, na hindi nagbabago at malinaw ang posisyon ng Tsina sa isyung ito, na ang Ren'ai Jiao ay bahagi ng Nansha Qundao ng Tsina, at di-mapabubulaanan ang soberanya ng Tsina sa Nansha Qundao, na kinabibilangan ng Ren'ai Jiao at nakapaligid na karagatan.
Ayon sa tagapagsalita, pagkaraang "sumadsad" noong Mayo 1999 sa Ren'ai Jiao ang BRP Sierra Madre, agarang iniharap ng panig Tsino ang solemnang representasyon, at hiniling sa Pilipinas na alisin kaagad ang bapor pandigmang ito. Aniya, ilang beses na ginawa ng Pilipinas ang malinaw na pangako na hilahin sa lalong madaling panahon ang bapor, ngunit hindi pa nito natutupad ang pangako hanggang ngayon.
Dagdag ng tagapagsalita, sa pamamagitan ng iligal na nakasadsad na bapor pandigma sa Ren'ai Jiao, lumalapastangan ang Pilipinas sa soberanya ng Tsina, at lumalabag sa Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea (DOC), lalo na sa Artikulo 5 nito na nagsasabing "iwasan ang mga aksyon ng habitasyon sa kasalukuyang walang naninirahang mga isla, reef, shoal, cay, at iba pang mga lugar." Hinihiling aniya ng Tsina sa Pilipinas na tuparin ang pangako nito at alisin ang BRP Sierra Madre sa lalong madaling panahon.
Tinukoy ng tagapagsalita, na nitong 25 taong nakalipas, dahil sa makataong pagsasaalang-alang, ginawa ng Tsina ang mga espesyal na pansamantalang kaayusan para ihatid ng mga sasakyang pandagat ng Pilipinas ang mga kinakailangang gamit tulad ng pagkain at tubig sa iligal na "nakasadsad" na bapor pandigma. Ngunit aniya determinadong tinututulan ng Tsina ang paghahatid ng Pilipinas ng mga materyales pangkonstruksyon, at hinding-hindi tatanggapin ang pagsasagawa ng Pilipinas ng malakihang pagkukumpuni at pagpapalakas ng bapor pandigma, para itayo ang mga permanenteng istruktura at isakatuparan ang palagian at iligal na pagsakop sa Ren'ai Jiao.
Ipinahayag ng tagapagsalita, na upang kontrulin ang sitwasyon sa Ren'ai Jiao, noong panahon ng Administrasyon ni Duterte, naabot ng Tsina at Pilipinas ang nabanggit na "gentleman's agreement," na epektibong nakakatulong sa pagpapanatili ng pangkalahatang kapayapaan at katatagan sa Ren'ai Jiao. Aniya, sa simula ng kasalukuyang Administrasyon ng Pilipinas, sinunod pa rin ang kasunduang ito, para hawakan ang mga resupply mission sa Ren'ai Jiao, ngunit mula noong Pebrero 2023, itinigil ng panig Pilipino ang pagsunod sa kasunduan, ipinagkakaila ang pagkakaroon nito, at tuluy-tuloy na inuudyukan ang kaguluhan upang pukawin ang mga insidente. Ito aniya ang dahilan sa likod ng walang tigil na sagupaan sa Ren'ai Jiao nitong nakalipas na isang taon.
Gayunpaman aniya, pinananatili pa rin ng Tsina ang pakikipag-ugnayan sa Pilipinas sa iba't ibang antas, at buong sikap na hinahanap ang mga paraan upang epektibong kontrulin ang sitwasyon sa Ren'ai Jiao.
Ayon sa tagapagsalita, noong nagdaang Setyembre, inimbitahan ng panig Tsino ang Espesyal na Sugo ng Pangulong Pilipino sa mga suliraning may kinalaman sa Tsina, para dumalaw sa Tsina at talakayin kung paano wastong kontrulin ang sitwasyon sa Ren'ai Jiao, at noong unang dako ng taong ito naman, napagsunduan ng panig Tsino at panig Pilipino ang "bagong pamamaraan" sa pangangasiwa ng sitwasyon sa Ren'ai Jiao pagkatapos ng mga round ng negosasyon.
Muli aniya, sa kabila ng mabuting loob at katapatan ng Tsina, paulit-ulit na sinira ng panig Pilipino ang pangako nito at tinaliwas ang sarili nitong salita sa pamamagitan ng paghahatid ng mga materyales pangkonstruksyon sa iligal na nakasadsad na bapor pandigma upang itayo ang permanenteng outpost na may mga nakapirming pasilidad sa pagtatangkang palagiang sakupin ang Ren'ai Jiao. Walang pagpipilian ang panig Tsino kundi gawin ang lahat ng kinakailangang hakbang para pangalagaan ang sariling soberanya at kabuuan sa teritoryo, dagdag ng tagapagsalita.
Binigyang-diin ng tagapagsalita, na muling hinihimok ng Tsina ang Pilipinas, na tuparin ang mga pangako nito at narating na mga kasunduan, itigil ang mga probokasyon, at bumalik sa tamang landas ng diyalogo at pagsasanggunian. Umaasa rin aniya ang Tsina, na magsisikap kasama ng Pilipinas, para maayos na kontrulin ang sitwasyon sa Ren'ai Jiao at panatilihin ang mahirap na natamong kapayapaan at katatagan sa South China Sea at rehiyong ito.
Editor: Liu Kai
Pulido: Ramil Santos