Walang katuwirang panggugulo ng Pilipinas, hinding hindi hahayaan – Ministri ng Tanggulang Bansa ng Tsina

2024-04-12 17:11:54  CMG
Share with:

Kaugnay ng katatapos na kauna-unahang magkakasanib na ensayong pandagat ng Amerika, Hapon, Australia at Pilipinas sa South China Sea (SCS), at trilateral summit ng Amerika, Hapon at Pilipinas, inihayag Biyernes, Abril 12, 2024 ni Tagapagsalita Wu Qian ng Ministri ng Tanggulang Bansa ng Tsina na palagiang ipinalalagay ng panig Tsino na ang kooperasyong pandepensa ng anumang bansa ay hindi dapat nakatuon sa ibang nakatakdang bansa, at hindi rin nakakapinsala sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon.

 

Aniya, makatuwiran, lehitimo at walang kapintasan ang kaukulang aktibidad ng Tsina sa SCS.

 

Sa halip, iresponsable at napakapanganib ang madalas na pagpapadala ng iilang bansa sa labas ng rehiyon ng mga bapor at eroplanong pandigma sa SCS para magyabang ng lakas, pakikipagsabwatan sa mga kaalyansa para buuin ang maliit na grupo laban sa Tsina, at higit sa lahat, pagbabanta at panggigipit sa panig Tsino sa katwiran ng umano’y Mutual Defense Treaty.

 

Ani Wu, ang SCS ay komong tahanan ng mga bansa sa rehiyon.

 


Palagiang naninindigan aniya ang Tsina sa maayos na paghawak sa mga alitan, sa pamamagitan ng negosasyon, at buong tatag na tumututol sa pakikialam ng puwersang panlabas at paglikha ng maigting na kalagayan ng rehiyon, sa pamamagitan ng probakasyon at panggugulo.

 

Dagdag niya, nitong nakalipas na panahon, nakikipagsabwatan ang Pilipinas sa mga puwersa sa labas ng rehiyon, at sapilitang pumapasok sa kaukulang pulo’t batuhan sa Nansha Qundao ng Tsina, samantalang pinapalaki ang umano’y pang-aapi ng Tsina ng maliit na bansa, at nagkukunwaring biktima para sa sadfishing.

 

Mariing tinututulan ito ng panig Tsino, aniya.

 

Diin ni Wu, ang pagresolba sa isyu ng SCS ay umaayon sa katuwiran, sa halip ng laki ng mga bansa.

 

Hinding hindi aapihin ng Tsina ang maliliit na bansa, pero hinding hindi ring tatanggapin ang walang katuwirang panggugulo ng panig Pilipino, aniya.

 

Sa isyu ng pagtatanggol ng soberanya at seguridad ng bansa, laging idinadaan sa aksyon ang pananalita ng hukbong Tsino, ani Wu.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Ramil