Pag-iwas sa pagsidhi ng kalagayan sa Gitnang Silangan, ipinanawagan ng Tsina

2024-04-15 15:52:52  CMG
Share with:


Sa pangkagipitang pulong ng United Nations Security Council (UNSC) hinggil sa pag-atake ng Iran sa Israel, Abril 14, 2024, ipinanawagan ni Dai Bing, Charge d'affaires ng Permanenteng Misyon ng Tsina sa UN, ang pagtitimpi para maiwasan ang ibayo pang pagsidhi ng kalagayan.

 

Saad ni Dai, nababahala ang panig Tsino sa nangyaring eskalasyon nitong Abril 13.

 

Napansin aniya ng panig Tsino ang pahayag ng panig Iranyo na ang kaukulang aksyong militar ay bilang tugon sa pag-atake ng Israel sa mga kinaroroonang diplomatiko ng Iran sa Syria, at ang isyung ito ay nalutas na sa ngayon.

 

Nananawagan ang panig Tsino sa kaukulang panig na magtimpi hangga’t makakaya, resolbahin ang mga alitan at sagupaan ayon sa simulain ng Karta ng UN at pandaigdigang batas, at iwasan ang ibayo pang eskalasyon ng maigting na kalagayan, aniya.

 

Tinukoy ni Dai na ang panibaging pagsidhi ng kalagayan ay pinakahuling pagkalat ng sagupaan sa Gaza.

 

Ito aniya ay isa muling babala sa lahat, na ang isyu ng Palestina ay nukleong isyu ng Gitnang Silangan, at ito’y may kinalaman sa kapayapaan, katatagan, at pangmalayuang seguridad ng rehiyon.

 

Nananawagan din aniya ang panig Tsino sa komunidad ng daigdig, na gumanap ng konstruktibong papel, lalung-lalo na, ang mga bansang may impluwensiya, upang ipagtanggol ang kapayapaan at katatagan ng rehiyon.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Rhio