Paglalagay ng intermediate-range missile ng Amerika sa Asya-Pasipiko, tinututulan ng Tsina

2024-04-18 17:02:28  CMG
Share with:

Sinabi ngayong araw, Abril 18, 2024 ni Tagapagsalita Lin Jian ng Ministring Panlabas ng Tsina, na napansin na ng panig Tsino ang ulat hinggil sa paglalagay ng intermediate-range missile ng Amerika sa Luzon, bilang bahagi ng Balikatan 2024.

 

Ito aniya ay malubhang ikinabahala ng Tsina.

 

Palagi aniyang tinututulan ng Tsina ang pagdedeploy ng intermediate-range missile ng Amerika sa rehiyong Asya-Pasipiko para sa unilateral na bentaheng militar, at pagpapalakas ng prontera sa pinto ng Tsina.

 

Pinasidhi ng aksyong ito ang maigting na kalagayan ng rehiyon, dagdag ni Lin.

 

Hinimok niya ang panig Amerikano na totohanang igalang ang pagkabahalang panseguridad ng ibang bansa, ihinto ang pagpukaw ng komprontasyong militar, itigil ang pagsira sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon, at bawasan ang estratehikong panganib, sa pamamagitan ng aktuwal na aksyon.

 

Aniya pa, dapat mapagtanto ng panig Pilipino ang tunay na layon ng ganitong aksyon ng Amerika at malubhang bunga ng pakikipagsabwatan sa Amerika.

 

Sinabi ni Lin, na hindi dapat kumuha ng pakinabang ang Pilipinas sa Amerika, kapalit ng pagsasakripisyo ng sariling seguridad, at pagtahak sa maling landas.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Rhio