Op-ed: Ang Amerika ay hindi mapagkakatiwalaang kaibigan

2024-04-18 09:19:59  CMG
Share with:

Sa katatapos na pulong ng Amerika, Pilipinas at Hapon sa Washington D.C., inulit ni Pangulong Joe Biden ng Amerika na balot sa bakal ang pangako ng Amerika na dedepensahan ang Pilipinas kung may sasalakay sa mga barko at sasakyang pandagat nito sa South China Sea (SCS).

 

Sapul nang manungkulan si Ferdinand Marcos Jr. bilang pangulo ng Pilipinas, aktibo niyang pinalakas ang relasyon sa Amerika, lalung-lalo na sa isyu ng SCS.

 

Dahil dito, paulit-ulit na inihayag ng Amerika ang pagkabahala sa kalagayan ng SCS at pagkatig sa mga patakaran ng Pilipinas sa isyung ito.

 

Bukod diyan, pinamumunuan ng Amerika ang mga kaalyadong bansa na gaya ng Hapon para suportahan ang patakaran ng Pilipinas sa SCS.

 

Kahit sa tingin ng Pilipinas ay makakakuha ito ng tulong at pamumuhunan mula sa Amerika, hindi libre ang anumang pagkatig at pagtulong ng Amerika.

 

Halimbawa sa krisis ng Ukraine, ipinagkaloob ng Amerika ang komprehensibong tulong at pagkatig sa Ukraine na kinabibilangan ng direktang pagbibigay ng pondo at sandata, pagsasagawa ng sangsyon sa Rusya, at paghiling sa mga kaalyadong bansa na tulungan ang Ukraine at isagawa ang sangsyon sa Rusya.

 

Dahil dito, malaking pakinabang ang kinita ng military-industrial complex ng Amerika, at maraming pondo ang inilipat mula sa Europa papunta sa Amerika dahil sa pagkabahala sa kalagayang panseguridad.

 

Sa kabilang dako, naapektuhan nang malaki ang lipunan at kabuhayan ng mga bansa sa Europa dahil sa sagupaan ng Ukraine at Rusya.

 

Ito ay nagdulot ng kahirapan sa suplay ng pagkaing-butil at pagtaas ng presyo ng natural gas at langis.

 

Para sa Ukraine, ang sagupaang ito ay nagresulta sa malaking kasuwalti sa mga sibilyan at tropa, kapinsalaan sa ari-arian ng mga mamamayan at pagguho ng imprastruktura.

 

Madaling nakikita, na ang pagkatig ng Amerika ay hindi magdudulot ng kapayapaan, at katatagan, kundi mas maraming digmaan.

 

Sa katotohanan, hindi maganda ang kredibilidad ng diplomasyang Amerikano.

 

Bago pumunta si Pangulong Marcos sa Amerika, nag-usap sa telepono sina Pangulong Joe Biden ng Amerika at Pangulong Xi Jinping ng Tsina para pasulungin ang matatag at malusog na pag-unlad ng bilateral na relasyon ng dalawang bansa.

 

Kasunod nito, dumalaw mula Abril 4 hanggang 9 si Kalihim Janet Yellen ng Tesorarya ng Amerika sa Tsina. Kasabay nito, isinagawa Abril 3 hanggang 4 sa Hawaii ng mga hukbong Tsino at Amerikano ang pulong ng Military Maritime Consultative Agreement (MMCA) Working Group at tinalakay ang mga hakbangin para pabutihin ang seguridad-militar ng dalawang bansa sa dagat.

 

Ayon pa sa ulat, dadalaw rin sa Tsina si Kalihim Antony Blinken ng Estado ng Amerika sa malapit na hinaharap.

 

Aktibong pinasusulong ng Amerika ang pag-unlad ng relasyon at kooperasyon sa Tsina, pero sa kabilang dako, sinusulsulan nito ang Pilipinas para komprontahin ang Tsina.

 

Kung ang Amerika ay isang broker, binabalak nitong kumuha ng benepisyo mula sa dalawang panig.

 

Kaya dapat mataimtim na pag-aralan ng pamahalaang Pilipino ang karanasan ng Ukraine.


Sulat: Ernest

Pulido: Rhio/Jade