Kaugnay ng gaganaping magkasanib na ensayong militar ng Amerika at Pilipinas, sinabi ngayong araw, Abril 17, 2024 ni Tagapagsalita Lin Jian ng Ministring Panlabas ng Tsina na patuloy na isasagawa ng panig Tsino ang kinakailangang hakbangin, upang ipagtanggol ang sariling soberanyang teritoryal at karapata’t kapakanang pandagat.
Pangangalagaan din aniya ng Tsina ang kapayapaan at katatagan ng South China Sea.
Tinukoy ni Lin na dapat mapagtanto ng panig Pilipino na ang pakikipagsabwatan sa mga bansa sa labas ng rehiyon upang magyabang ng lakas at mag-udyok ng komprontasyon ay magpapasidhi lamang ng kalagayan, at makakasira sa katatagan ng rehiyon.
Ang pagpapapasok ng puwersang panlabas para ipagtanggol ang umano’y sariling seguridad ay hahantong lamang sa mas malaking kawalang seguridad para sa sarili, at higit sa lahat, magiging ahedres lamang ng iba ang Pilipinas, saad ni Lin.
Hinimok niya ang panig Pilipino na itigil ang panggugulo at probokasyon sa dagat.
Hiniling din niya sa kaukulang bansa sa labas ng rehiyon na ihinto ang pagpukaw ng komprontasyon sa South China Sea.
Salin: Vera
Pulido: Rhio