Kaugnay ng ilang tanong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. hinggil sa isyu ng “maginoong kasunduan” sa isyu ng Ren’ai Jiao, isinalaysay ngayong araw, Abril 18, 2024 ng tagapagsalita ng Pasuguan ng Tsina sa Pilipinas, na sa panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, nagkaroon ng “maginoong kasunduan” ang panig Tsino’t Pilipino.
Layon aniya nitong kontrolin ang kalagayan, pangalagaan ang kapayapaan, pigilan ang sagupaan, at wala itong kaugnayan sa soberanya.
Ang nasabing “maginoong kasunduan” ay hindi lihim na kasunduan, aniya pa.
Anang tagapagsalita, hanggang noong unang dako ng Pebrero 2023, o 7 buwan makaraang umakyat sa poder ang kasalukuyang pamahalaan ng Pilipinas, sinunod ng kaukulang mga departamento at organo ng dalawang bansa ang nasabing kasunduan, bagay na nagbigay-garantiya sa kapayapaan at katatagan ng kalagayan ng Ren’ai Jiao.
Dagdag niya, sa pag-akyat sa poder ng administrasyong Marcos Jr., maraming beses na ipinaalam ng panig Tsino sa mataas na opisyal ng Pilipinas ang mga suliraning may kinalaman sa “maginoong kasunduan,” iniharap ang representasyon kaugnay ng isyu ng Ren’ai Jiao, at isinulong ang pagkontrol sa alitan, sa pamamagitan ng diyalogo’t negosasyon.
Isinalaysay pa niyang, bukod sa mga pulong ng China-Philippines Bilateral Consultation Mechanism on the South China Sea (BCM), inanyayahan ng panig Tsino noong isang taon sa Beijing ang Sugo ng Pangulong Pilipino sa Espesyal na Pagkabahala kaugnay ng Tsina, para magsanggunian hinggil sa pagkontrol sa kalagayan ng Ren’ai Jiao, at nagkaroon ng panloob na pagkakaunawaan.
Aniya pa, noong unang dako ng kasalukuyang taon, isang “makabagong modelo” ng paghahatid ng pang-araw-araw na suplay sa Ren’ai Jiao, ang napagkasunduan matapos ang ilang round ng konsultasyon sa panig militar ng Pilipinas, sa pamamagitan ng diplomatikong tsanel.
Walang katuwiran at unilateral na tinalikuran aniya ng panig Pilipino ang kaukulang unawaan at areglo, pagkatapos ng isang round ng resupply mission.
Hinihimok aniya ng panig Tsino ang panig Pilipino na pahalagahan ang sariling kredibilidad at pangako; sundin ang mga komong palagay; ipakita ang katapatan; itigil ang probokasyon; agarang bumalik sa tumpak na landas ng diyalogo’t negosasyon; maayos na kontrolin ang kalagayan ng Ren’ai Jiao; at pangalagaan ang kapayapaan at katatagan ng rehiyon ng South China Sea.
Salin: Vera
Pulido: Rhio
Remarks of the Spokesperson of the Chinese Embassy in the Philippines on April 18, 2024
Foreign Ministry Spokesperson Lin Jian’s Remarks on April 17, 2024
Bukas at pragmatikong kooperasyon sa panig Amerikano, ipinanawagan ng Tsina
Aktibidad ng pagtatanim ng mga puno, ikinatuwa ng embahador ng Pilipinas sa Tsina