Sa pagtataguyod ng China Media Group (CMG), sinimulan ngayong araw, Abril 23, 2024, sa Sanya, lunsod ng lalawigang Hainan, gawing timog ng Tsina, ang ASEAN Media Partners (AMP) "China Up Close" Hainan Tour at Visual Exhibition, na nilalahukan ng CMG at 11 media mula sa 9 na bansa ng Association of Southeast Asian Nations.
Sa kanyang talumpati sa seremonya ng pagsisimula, sinabi ni Zhang Hui, Pangalawang Direktor ng Asian and African Languages Programming Center ng CMG, na ang ASEAN Media Partners "China Up Close" ay isa pang halimbawa ng maraming uri ng kooperasyon sa pagitan ng CMG at media ng mga bansang ASEAN.
Umaasa aniya siyang sa pamamagitan ng aktibidad na ito, magagawa ng mga kalahok na media ang makukulay na programa, para palalimin ang kaalaman ng mga mamamayan ng mga bansang ASEAN sa tunay na Tsina, at palawakin ang natatanging papel ng media sa pagtatatag ng mas mahigpit na komunidad ng pinagbabahaginang kinabukasan ng Tsina at ASEAN.
Tinukoy naman ni Jiang Jianmin, Pangalawang Puno ng Probinsyal na Tanggapan sa Impormasyon ng Hainan, na malapit ang Hainan sa mga bansang ASEAN, at ito ay mahalagang interseksyon ng kooperasyong Sino-ASEAN.
Ipinahayag niya ang mainit na pagtanggap sa mga mamamahayag ng CMG at ASEAN na kalahok sa aktibidad.
Aniya pa, layon ng AMP "China Up Close" na pabutihin ang pagpapalitan at pag-uugnayan ng Hainan at ASEAN.
Sa kanya namang video speech, sinabi ni Amkha Vongmeunaka, Presidente ng Lao National Television, na ito ay mabuting aktibidad para makita mismo ng mga mamamahayag ng ASEAN ang bunga ng pag-unlad ng Tsina, at makukulay na kultura at yamang panturismo sa iba’t-ibang lugar ng bansa.
Gagawin aniya ng mga media ng ASEAN ang magagandang kuwento, at ibabahagi ang mga ito sa mga mamayan ng kanilang bansa.
Sa loob ng limang araw, isasagawa ng mahigit 50 mamamahayag mula sa Tsina at mga bansang ASEAN ang panayam at pagkokober sa limang lugar ng Hainan.
Gagawin din nila ang mga programa para i-ere sa kani-kanilang himpilan bilang bahagi ng ASEAN Media Partners Visual Exhibition.
Ang Hainan Tour ay unang biyahe ng "China Up Close" media activity na itinataguyod ng CMG.
Editor: Liu Kai
Pulido: Rhio Zablan