Pilipinas, hinimok ng Tsina na pahalagahan at tuparin ang pangako

2024-05-08 21:23:17  CMG
Share with:

Kaugnay sa napa-ulat kamakailan na ilang opisyal-Tsino ang nagsabing ilalabas nila sa lalong madaling panahon ang audio ng tawag ng isang opisyal-militar ng Pilipinas, bilang ebidensiya ng kasunduan ng dalawang bansa sa pinagtatalunang teritoryo sa South China Sea (SCS), ipinahayag Mayo 8, 2024 ni Tagapagsalita Lin Jian ng Ministring Panlabas ng Tsina, na dapat pahalagahan at tuparin ng panig Pilipino ang pangako nito.

 

Ani Lin, ipinaliwanag na niya nitong Lunes ang mga saligang katotohanang nangyari sa pagitan ng Tsina at Pilipinas sa pagkontrol sa situwasyon ng Ren’ai Jiao.

 

Ipinalabas din aniya kahapon ng Pagsuguan ng Tsina sa Pilipinas ang mga detalye tungkol sa may-kinalamang komunikasyon sa pagitan ng dalawang panig.

 

Malinaw ang katotohanan, at ang mga ito ay batay sa matibay na ebidensyang hindi maaaring pabulaanan, dagdag ni Lin.

 

Samantala, itinatanggi aniya ng Pilipinas ang mga katotohanang ito upang iligaw ang pag-unawa ng komunidad ng daigdig.

 

Sinisira rin aniya ng mga aksyong ito ng Pilipinas ang sariling kredibilidad at kapayapaan at katatagan sa South China Sea.

 

Hinihimok ng panig Tsino ang panig Pilipino na agarang itigil ang probokasyon at aksyong nakapipinsala sa karapatan ng Tsina sa dagat, at bumalik sa tumpak na landas ng diyalogo’t negosasyon para maayos na hawakan ang hidwaan, saad ni Lin.

 

 

Salin: Kulas

Pulido: Rhio