Dumating, gabi ng Mayo 8, 2024, lokal na oras sa Budapest, Hungary si Pangulong Xi Jinping ng Tsina, para sa kanyang dalaw pang-estado sa bansa.
Inantabayanan ng mga eroplanong pandigma ng Hungary ang eroplano ni Xi, matapos itong pumasok sa himpapawid ng bansa.
Pagkaraang lumapag sa paliparan ng Budapest, sinalubong nina Punong Ministro Viktor Orban, kanyang kabiyak, Ministrong Panlabas Peter Szijjarto, at iba pang mataas na opisyal ng Hungary, sina Xi at Unang Ginang Peng Liyuan.
Mainit din silang tinanggap ng mga lokal na mamamayan sa pamamagitan ng mga tradisyonal na paraan.
Sa kanyang nakasulat na talumpati sa paliparan, ipinahayag ni Xi ang kagalakan sa pagsasagawa ng dalaw pang-estado sa Hungary.
Ani Xi, ang Tsina at Hungary ay matalik na magkaibigan at magkatuwang na may malalim na pagtitiwalaan.
Nitong ilang taong nakalipas, madalas aniya ang pagpapalagayan sa mataas na antas ng dalawang bansa, lumalakas ang pagtitiwalaan, mabunga ang kooperasyon sa ilalim ng Belt and Road Initiative (BRI), masagana ang pagpapalitang kultural at tao-sa-tao, Mabuti ang koordinasyon sa mga suliraning panrehiyon at pandaigdig, at nilikha ng dalawang bansa ang modelo para sa bagong uri ng relasyong pandaigdig na nakatuon sa paggagalangan, pagkakapantay-pantay, katarungan, at win-win na kooperasyon.
Ipinahayag din ni Xi ang pag-asang, sa pamamagitan ng kasalukuyang pagdalaw sa okasyon ng ika-75 anibersaryo ng relasyong diplomatiko ng Tsina at Hungary, magagawa niya, kasama ng mga lider ng Hungary ang bagong blueprint ng bilateral na kooperasyon, para isulong sa mas mataas na antas ang relasyon ng dalawang bansa.
Nananalig aniya siyang, igigiit ng Tsina at Hungary ang pakikitungong may pangmalawakan at pangmalayuang pananaw, at magkasamang itatatag ang komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan ng sangkatauhan, para magbigay ng ambag sa kapayapaan, katatagan, kaunlaran, at kasaganaan ng daigdig.
Editor: Liu Kai
Pulido: Rhio Zablan