Great Hall of the People, Beijing - Sa kanyang pakikipag-usap Huwebes, Mayo 30, 2024 kay dumadalaw na Pangulong Sheikh Mohamed bin Zayed Al Nahyan ng United Arab Emirates (UAE), inihayag ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang kahandaang samantalahin, kasama ng UAE ang pangkalahatang direksyon ng bilateral na relasyon batay sa estratehiko’t pangmalayuang anggulo, at igarantiya ang masiglang pag-unlad ng komprehensibo’t estratehikong partnership ng dalawang bansa.
Tinukoy ni Xi na ang UAE ay mahalagang komprehensibo’t estratehikong katuwang ng Tsina.
Kasama ng UAE, nakahanda aniya ang Tsina na tuluy-tuloy na pasulungin ang de-kalidad na kooperasyon ng Belt and Road; palakasin ang sinerhiya ng mga estratehiyang pangkaunlaran; at gawing pagkakataon ang pagtatatag ng mataas na lebel na komisyon ng pamumuhunan at kooperasyon ng Tsina at UAE, upang pasulungin ang pagtamo ng kooperasyon ng dalawang bansa ng mas maraming bunga.
Patitibayin ng kapuwa panig ang kooperasyon sa kalakalan, enerhiya, imprastruktura at iba pang larangan; palalawakin ang kooperasyon sa mga hay-tek na larangang gaya ng teknolohiya ng impormasyon, artificial intelligence (AI), digital economy, at bagong enerhiya; at palalakasin ang kooperasyon sa pagpapatupad ng batas at seguridad, dagdag ni Xi.
Diin ni Xi, nakahanda ang Tsina na magsikap, kasama ng mga bansang Arabe, para itaguyod ang Ika-2 China-Arab States Summit, at pasulungin ang pagbuo ng komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan ng Tsina at mga bansang Arabe.
Handa rin aniya ang Tsina na palakasin ang estratehikong partnership sa Gulf Cooperation Council (GCC), palawakin ang multilateral na kooperasyon, at pangalagaan ang komong kapakanan ng mga bansa ng “Global South.”
Inihayag naman ng pangulo ng UAE ang kahandaan ng kanyang bansa na pasulungin ang paghahatid ng relasyong UAE-Sino at relasyon ng Tsina at mga bansang Gulpo ng mas maraming benepisyo sa kani-kanilang mga mamamayan.
Pagkatapos ng pag-uusap, magkasamang sinaksihan ng dalawang pangulo ang paglagda ng mga dokumento ng bilateral na kooperasyon sa mga larangang gaya ng Belt and Road, siyensiya’t teknolohiya, mapayapang paggamit ng enerhiyang nuklear, edukasyon ng wikang Tsino, kultura, turismo at iba pa.
Salin: Vera
Pulido: Ramil