Sa panahon ng Ika-21 Shangri-La Dialogue, isang news briefing ang idinaos gabi ng Mayo 31, 2024 kung saan iniharap ni He Lei, dating Pangalawang Puno ng Chinese Academy of Military Sciences, ang 4 na tanong tungkol sa binigkas na talumpati ng panig Pilipino.
Una, sino ang lumalabag sa regulasyon?
Sinabi ni He na binatikos ng panig Pilipino ang karatig na bansa sa paglabag sa kaayusang pandaigdig na nakabase sa regulasyon sa South China Sea (SCS), ngunit sino ang tunay na lumalabag sa regulasyon sa karagatang ito?
Sinabi niya na ang pagsumite ng hidwaan ng isla at bahura sa SCS sa umano’y international arbitral tribunal ay siyang paglabag sa regulasyon. Ito aniya ay paglabag sa kaukulang tadhana ng ika-4 na probisyon ng “Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea (DOC),” at paglabag sa karapat-dapat na karapatan ng Tsina bilang signataryong bansa ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Palagiang naninindigan ang panig Tsino na ang regulasyong pandaigdig ay dapat ipakita ang kapakanan at makatuwirang kahilingan ng nakakaraming bansa, sa halip ng regulasyon ng iilang bansa, saad niya.
Ikalawa, sino ang nanunulsol sa hidwaan?
Tinukoy ni He na sa dating administrasyon ng Pilipinas, matatag sa kabuuan ang situwasyon sa SCS, partikular sa pinagtatalunang bahura at karagatan ng Tsina at Pilipinas.
Ngunit sapul nang umakyat sa poder ng kasalukuyang pamahalaang Pilipino, madalas aniyang nagaganap ang hidwaang Sino-Pilipino sa SCS, at lalong umiigting ang hidwaang ito.
Diin niya, sa mula’t mula pa’y ipinalalagay ng panig Tsino na dapat maging pantay ang lahat ng bansa. Hindi kailanma’y binubully ng Tsina ang anumang maliit na bansa, ngunit may prinsipyo at bottomline ang Tsina, at hinding hindi nitong pahihintulutan ang pagkilos ng iilang bansa alinsunod sa kanilang sariling kagustuhan.
Ikatlo, sino ang pumupukaw ng clique sa labas ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN)?
Ipinahayag ni He na sa talumpati ng panig Pilipino ay binanggit ang tungkol sa pangangalaga ng katayuang sentral ng ASEAN.
Pero, ani He, bakit pinupukaw ng Pilipinas ang clique nila ng Hapon at Australia? Bakit nito pinapalakas ang alyansang militar nila ng Amerika? Bakit nito isinagawa kasama ng Amerika, Hapon, at Australia ang magkakasanib na ensayong militar, at magkasanib na ensayong militar ng Pilipinas at Amerika sa SCS? Bakit hindi nito tinutupad ang DOC?
Ika-apat, ang paglutas sa hidwaan sa SCS at pagpapanatili ng kapayapaan at katatagan ng karagatang ito ay dapat umaasa ba sa mga karatig na bansa sa SCS at ASEAN, o sa mga bansang nasa labas ng rehiyon?
Tinukoy ni He na buong tinding tinututulan ng panig Tsino ang panghihimasok ng mga bansa sa labas ng rehiyon sa isyu ng SCS.
Pinapatunayan aniya ng katotohanan na ang isyu ng SCS ay sinusulsulan at pinupukaw, pangunahin na, ng mga bansa sa labas ng rehiyon.
Ang mga bansang ito ay tunay na nakikipagsabwatan at tagapaglikha ng isyu ng SCS, diin niya.
Umaasa aniya siyang mapapanatili ang pagmamatyag ng mga kaukulang bansa.
Salin: Lito
Pulido: Ramil