"Pagsasarili ng Taiwan," handang pigilan ng sandatahang lakas ng Tsina

2024-06-02 16:54:30  CMG
Share with:

 

Sa kanyang talumpati ngayong araw, Hunyo 2, 2024, sa Ika-21 International Institute for Strategic Studies (IISS) Shangri-La Dialogue sa Singapore, sinabi ni Dong Jun, Ministro ng Tanggulang Bansa ng Tsina, na determinado at nakahanda ang People's Liberation Army (PLA) para pigilan ang "pagsasarili ng Taiwan" at tiyakin na hinding-hindi mangyayari ang "pagsasarili ng Taiwan."

 

Tinukoy ni Dong, na ang isyu ng Taiwan ay pinaka-ubod ng mga pangunahing interes ng Tsina, at ang prinsipyong isang-Tsina ay matagal nang kinikilala bilang saligang norma ng relasyong pandaigdig.

 

Palagiang ipinapangako ng Tsina ang mapayapang reunipikasyon, pero ito ay sinisira ng mga elementong nagnanais ng "pagsasarili ng Taiwan" at mga dayuhang puwersa, dagdag niya.

 

Diin ni Dong, isinusulong ng awtoridad ng Democratic Progressive Party (DPP) ang "inkremental na pagsasarili" at "de-Sinisasyon" upang putulin ang sosyal, historikal at kultural na ugnayan sa pagitan ng magkabilang pampang ng Taiwan Strait.

 

Tuluy-tuloy din aniyang sinusubukang pawalang-bisa ng ilang dayuhang puwersa ang prinsipyong isang-Tsina, sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga sandata at pagsasagawa ng mga opisyal na pakikipagpalitan sa rehiyon ng Taiwan.

 

Ang mga ito ay nagtataguyod ng "pagsasarili ng Taiwan," at kumakasangkapan sa Taiwan upang sugpuin ang Tsina, aniya pa.

 

Hayag ni Dong, ang mga aksyong naghahayag ng "masasamang intensyon" ay magsasadlak sa Taiwan sa mapanganib na situwasyon.

 

Sa kabilang dako, pinahahalagaan aniya ng Tsina ang kapayapaan at harmonya, at sa katunayan, ang mapayapang pag-unlad ay isang mahalagang bahagi ng Konstitusyon ng Tsina, kaya hindi kailanman nito hinahangad ang hegemonya o ekspansyong militar.

 

May kakayahan ang mga bansa sa Asya-Pasipiko na lutasin ang mga tensyon sa pamamagitan ng sariling pagsisikap, at tinututulan nila ang pamimilit mula sa mga makapangyarihan at hegemonikong bansa sa labas ng rehiyon, paliwanag niya.

 

Binigyang-diin ni Dong, na iginagalang ng Tsina ang mga makatuwirang pagkabahala ng lahat ng bansa, kaya naman, walang dahilan para sirain at labagin ang mga pangunahing interes ng Tsina.

 

Pero, isinaad niyang ang pagtatanggol sa soberanya at kabuuan ng teritoryo ng bansa ay sagradong misyon ng hukbo ng Tsina.


Editor: Liu Kai
Pulido: Rhio Zablan