Beijing — Sa kanyang pakikipagtagpo hapon ng Hunyo 7, 2024 kay Shehbaz Sharif, dumadalaw na Punong Ministro ng Pakistan, tinukoy ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina na napakatibay ng pagkakaibigang Sino-Pakistani, at walang patid na sumusulong ang all-weather strategic cooperative partnership ng dalawang bansa.
Kasama ng panig Pakistani, nakahanda aniyang magsikap ang panig Tsino upang mapalakas ang kooperasyon, mapalalim ang estratehikong pagkokoordinahan, mapabilis ang pagtatatag ng mas mahigpit na komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan ng Tsina at Pakistan sa makabagong panahon, at makapagbigay ng mas malaking ambag sa kapayapaan, katatagan, kaunlaran, at kasaganaan sa rehiyong ito.
Ipinahayag din ni Pangulong Xi ang pasasalamat sa ibinibigay na suporta ng panig Pakistani sa Tsina sa mga isyung may kaugnayan sa nukleong kapakanan ng bansa.
Tulad ng dati, buong tatag na kinakatigan ng panig Tsino ang panig Pakistani sa pangangalaga sa soberanya at kabuuan ng teritoryo ng bansa, kinakatigan ang pagtahak ng panig Pakistani sa pagtahak ng landas ng pag-unlad na angkop sa sariling kalagayang pang-estado, at kinakatigan ang panig Pakistani sa pagbibigay-dagok sa terorismo, diin pa ni Xi.
Ipinahayag naman ni Shehbaz na sa pamumuno ni Pangulong Xi, natamo ng Tsina ang mga dakilang tagumpay sa aspekto ng pagpapa-ahon ng mga karalitaan, paglaban sa korupsyon, at pag-unlad.
Buong tatag aniyang magiging pinakamatapat na kaibigan at katuwang ng Tsina ang Pakistan.
Aniya, di nagbabago ang pangako ng pamahalaang Pakistani sa prinsipyong isang-Tsina, at ang Taiwan ay isang di-maihihiwalay na bahagi ng Tsina.
Patuloy at matatag na susuportahan ng panig Pakistani ang posisyon ng panig Tsino sa mga isyung kinabibilangan ng Taiwan, Xizang, Xinjiang, South China Sea, at iba pa.
Salin: Lito
Pulido: Ramil