Inanunsyo, Hunyo 13, 2024 ng Komisyon ng Unyong Europeo (EU) ang plano sa pagpapataw ng 17.4% hanggang sa 38.1% pansamantalang anti-subsidy tariff sa mga ina-angkat nitong de-kuryenteng kotse ng Tsina.
Inihayag kaagad ng mga kompanya ng sasakyang de motor ng Europa na gaya ng Volkswagen Group, Mercedes-Benz Group AG, at BMW Group ang pagtutol rito, at ipinalalagay nilang ang pagpapataw ng karagdagang taripa ay hadlang sa pag-unlad ng mga kompanya ng sasakyang de-motor ng Europa, at makakapinsala rin sa sariling kapakanan ng Europa.
Inihayag naman ng China Chamber of Commerce to the EU ang pagkabahala sa posibleng paglala ng alitang pangkalakalan ng Tsina at EU na dulot ng ganitong kilos ng proteksyonismong pangkalakalan ng panig Europeo, at epekto nito sa ugnayang pangkabuhayan, pangkalakalan at komersyal ng Tsina at EU.
Ang pagtutol ng mga kompanyang Europeo ay nagpapatunay na sa halip ng pagsasaalang-alang sa kapakanan ng mga kompanya, ang nasabing kapasiyahan ng EU ay purong manipulasyong pulitikal. Hindi lamang lumalabag ito sa simulain ng market economy at mga alituntunin ng kalakalang pandaigdig, kundi malubhang nakakapinsala rin sa lehitimong karapatan at kapakanan ng mga kompanya ng sasakyang de-motor at kompanya ng kadena ng suplay ng sasakyang de-motor ng Tsina at EU.
Sa katunayan, may malawakang komong kapakanan ang Tsina at EU sa industriya ng sasakyang gamit ang bagong enerhiya.
Nitong nakalipas na ilang taon, magkakasunod na pinalawak ng mga kompanyang Europeo na gaya ng BMW Group at Volkswagen Group ang negosyo ng sasakyang gamit ang bagong enerhiya sa Tsina. Namuhunan na o may balak sa pamumuhunan sa Europa naman ang mga kompanyang Tsino na gaya ng Contemporary Amperex Technology Co., Limited (CATL) at BYD.
Sa pamamagitan ng positibong kompetisyon at kooperasyon, nabuo na ang kayarian ng pagkukumplemento ng industriya ng de-kuryenteng kotse ng Tsina at EU. Ito ay hindi lamang makakatulong sa pagpapataas ng kakayahang kompetetibo ng industriya ng Europa, kundi angkop din sa hangarin ng Europa sa transpormasyon ng enerhiya at mababang karbong pag-unlad.
Paulit-ulit na napapatunayan ng kasaysayan na walang mananalo sa trade war.
Ang bentahe ng industriya ng de-kuryenteng kotse ng Tsina ay unti-unting nabuo sa proseso ng lubos na kompetisyon, sa halip ng industry subsidy.
Dapat mataimtim na pakinggan ng panig Europeo ang obdyektibo’t makatwirang tinig ng iba’t ibang sirkulo, agarang iwasto ang maling aksyon nito, itigil ang pagsasapulitika ng mga isyung pangkabuhaya’t pangkalakalan, at maayos na hawakan ang mga alitan sa pamamagitan ng diyalogo at negosasyon.
Kung ipagpipilitan ng EU ang sariling paninindigan, buong tatag na isasagawa ng panig Tsino ang kinakailangang hakbangin, upang ipagtanggol ang mga alituntunin ng World Trade Organization (WTO) at simulain ng merkado, at pangalagaan ang lehitimong karapatan at kapakanan ng mga kompanyang Tsino.
Salin: Vera
Pulido: Ramil