Pagsira sa patas na kompetisyon sa katwiran ng patas na kompetisyon, tinututulan ng Tsina

2024-06-18 16:06:05  CMG
Share with:

Kaugnay ng plano ng Komisyon ng Unyong Europeo (EU) sa pagpapataw ng pansamantalang anti-subsidy tariff sa mga ina-angkat nitong de-kuryenteng kotse ng Tsina, sinabi Martes, Hunyo 18, 2024 ni Tagapagsalita Li Chao ng Pambansang Komisyon sa Pag-unlad at Reporma ng Tsina na ang anti-subsidy investigation ng Komisyon ng EU sa mga ina-angkat na de-kueyenteng kotse ng Tsina ay nagbulag-bulagan sa katotohanan, nagpipikit-mata sa mga alituntunin, at nababatay sa nakatakdang resulta.

 

Sa katunayan, isinasapulitika’t ginagawang sandata ang imbestigasyon, at sinisira nito ang patas na kompetisyon sa katwiran ng patas na kompetisyon, kaya buong tatag na tinututulan ito ng panig Tsino, dagdag niya.

 

Saad ni Li, ang pagpapataw ng EU ng karagdagang taripa sa ina-angkat na de-kuryenteng kotse ng Tsina ay hindi lamang nakakapinsala sa lehitimong karapatan at kapakanan ng mga kompanyang Tsino, kundi makakasira rin sa kadena ng industriya at suplay ng sasakyang de-motor ng daigdig na kinabibilangan ng EU at sariling kapakanan ng mga mamimili ng EU.

 

Umaasa aniya ang Tsina na igagalang ng panig Europeo ang pundamental na kalakaran ng kabuhayan at mga alituntunin ng World Trade Organization (WTO), iwawasto ang maling kilos, at babalik sa lalong madaling panahon sa tumpak na landas ng pagbubukas, pagtutulungan, at berdeng pag-unlad.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Ramil