Peng Liyuan, nakipagtagpo sa mga mataas na opisyal ng UNAIDS at WHO

2024-07-12 15:08:12  CMG
Share with:

Nakipagtagpo kahapon, Hulyo 11, 2024 sa Beijing si Peng Liyuan, asawa ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina at goodwill ambassador ng World Health Organization (WHO) for tuberculosis and HIV/AIDS, kina Winnie Byanyima, Pangalawang Pangkalahatang Kalihim ng United Nations at executive director ng Joint United Nations Programme on HIV/AIDS (UNAIDS), at Jerome Salomon, Asistanteng Pangkalahatang Kalihim ng WHO.


Inilahad ni Peng ang mga hakbangin at karanasan ng Tsina sa pagpigil at paggamot sa tuberculosis at HIV/AIDS.


Inihayag din niya ang kahandaang patuloy na gampanan ang tungkulin niya bilang goodwill ambassador ng WHO at gumawa ng mas maraming ambag sa pandaigdigang pagsisikap sa pagpigil at paggamot sa tuberculosis at HIV/AIDS.


Naniniwala aniya siya na sa pamamagitan ng magkakasamang pagsisikap ng iba’t ibang panig, matatamo ang mas maraming bunga ng kooperasyon sa pagitan ng Tsina, UNAIDS at WHO.


Mataas na tinasahan naman nina Byanyima at Salomon ang mga natamong bunga ng pamahalaan at mamamayang Tsino sa paglaban sa tuberculosis at HIV/AIDS at pagpapasulong ng usaping pangkalusugan.


Anila, kasama ng Tsina, nakahanda ang UNAIDS at WHO na ibayo pang pahigpitin ang kooperasyon sa mga nauugnay na larangan at pasulungin ang patuloy na pag-unlad ng usaping pangkalusugan sa buong mundo.


Salin: Ernest

Pulido: Ramil