Pagbuo ng expert panel kaugnay ng alitan sa Inflation Reduction Act ng Amerika, hiniling ng Tsina sa WTO

2024-07-16 16:15:02  CMG
Share with:

Hiniling Lunes, Hulyo 15, 2024 ng Tsina sa World Trade Organization (WTO) na buuin ang isang expert panel kaugnay ng subsidya sa new energy vehicle (NEV) sa ilalim ng Inflation Reduction Act (IRA) ng Amerika.

 

Ayon sa tagapagsalita ng Ministri ng Komersyo ng Tsina, upang pangalagaan ang karapatan at kapakanang pangkaunlaran ng industriya ng NEV ng bansa, umapela nitong Marso 26 ang Tsina sa mekanismo ng pagresolba sa alitan ng WTO hinggil sa subsidya ng Amerika sa NEV.

 

Hindi narating ng panig Tsino’t Amerikano ang solusyon sa pamamagitan ng konsultasyon, kaya iniharap ng Tsina sa WTO ang kahilingan sa pagbuo ng expert panel, anang tagapagsalita.

 

Saad ng tagapagsalitang Tsino, ginagawang paunang kondisyon ng subsidya ng IRA ang paggamit ng mga produkto mula sa espesyal na rehiyong gaya ng Amerika, isinasantabi ang mga produkto ng mga kasapi ng WTO na gaya ng Tsina, at sinasadyang lagyan ng mga hadlang ang kalakalan.

 

Diskriminatoryo at proteksyonistiko ang esensya ng ganitong subsidya, at lumalabag sa mga alituntunin ng WTO.

 

Dagdag ng tagapagsalita, iginagalang ng Tsina ang pagsasagawa ng mga kasapi ng WTO ng industriyal na subsidiya sa paraang angkop sa mga alituntunin ng WTO.

 

Muling hinimok aniya ng panig Tsino ang panig Amerikano na sundin ang mga alituntunin ng WTO, at itigil ang pagmamalabis sa mga polisyang industriyal upang makapinsala sa pandaigdigang kooperasyon sa pagharap sa pagbabago ng klima.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Ramil