Hulyo 17, 2024 – Inihayag ni Fu Cong, Pirmihang Kinatawang Tsino sa United Nations (UN), sa Pulong ng United Nations Security Council (UNSC) sa isyu ng Palestina at Israel, na ang pagsasakatuparan ng “Two State Solution” ang tanging kalutasan sa isyu ng Gitnang-silangan.
Matatag aniyang suportado ng Tsina ang pagtatayo ng independiyenteng estado ng Palestina at “Pamamahala ng mga Palestiniyano sa Palestina,” kaya iminumungkahi ng Tsina na idaos ang mas malawak, mas awtoritatibo, at mas mabisang pandaigdigang pulong para itakda ang kongkretong panahon at plano sa pagsasakatuparan ng “Two State Solution.”
Ang agarang pagsasakatuparan ng pangmatagalang tigil-putukan ay kinakailangang paunang kondisyon upang iligtas ang mga inosenteng buhay, at ang pagpapalawak ng makataong akses ay pangkagipitang pangangailangan sa pagpapahupa ng makataong krisis, diin niya.
Nananawagan aniya ang Tsina sa iba’t-ibang panig na maging kalmado at mapagtimpi, at iwasan ang mga aksyong magpapalala sa mahigpit na kalagayan.
Magsisikap ang Tsina kasama ng iba’t-ibang panig para marating ang tigil-putukan sa Gaza, mapahupa ang makataong krisis, at maisakatuparan ang “Two State Solution” sa lalong madaling panahon, saad ni Fu.
Salin: Sarah
Pulido:Rhio