Malawak na isyu, tinugunan ng Tsina sa pagsusuri ng WTO

2024-07-21 18:57:03  CMG
Share with:

 

Natapos, Hulyo 19, 2024, sa Geneva, Switzerland, ang tatlong araw na pulong ng ika-9 na pagsusuri ng World Trade Organization (WTO) sa mga patakarang pangkalakalan ng Tsina.

 

Sa pamamagitan ng malinaw at bukas na atityud, tinugunan ng delegasyong Tsino ang maraming isyung may kinalaman sa patakarang pang-industriya, subsidyo, bahay-kalakal na ari ng estado, pangangalaga sa intellectual property, cyber security at daloy ng data, pagbili ng pamahalaan, pagbuo ng pinag-isang pambansang merkado, kontrol sa pagluluwas, pagtatakda ng mga pamantayan, inspeksyon at kuwarentenas, at transparency.

 

Bilang tugon sa puna ng ilang bansa kaugnay ng di-umano’y “sobrang kapasidad,” binigyang-diin ng mga kinatawang Tsino, na ang mga patakaran sa subsidyo ng Tsina ay alinsunod sa mga tuntunin ng WTO, at ang tagumpay ng mga kompanyang Tsino ay dahil sa kanilang lakas-kompetetibo sa merkado, at hindi sa suporta ng pamahalaang Tsino.

 

Batay sa kasalukuyang pandaigdigang pangangailangan sa mga produkto ng bagong enerhiya, walang aktuwal na “sobrang kapasidad” sa sektor na ito, dagdag nila.

 

Pinabulaanan din ng panig Tsino ang pagsasagawa ng di-umano’y “ekonomikong koersyon.”

 

Sinabi ng mga kinatawan, na ito ay hindi kailanman bahagi ng patakarang pangkalakalan ng Tsina.

 

Samantala, nagtalumpati sa nabanggit na pulong ang mga kinatawan mula sa 71 kasapi ng WTO.

 

Pinupurihan ng karamihan sa kanila ang natamong bunga ng Tsina sa reporma at pagbubukas sa labas, at malaking ambag sa kabuhayang pandaigdig at WTO.


Editor: Liu Kai
Pulido: Rhio Zablan