Dahil sa mga suliraning pangkabuhayang dulot ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19), sigalot sa pagitan ng mga bansa sa Europa, heopolitika, at marami pang iba, nahaharap ngayon sa napakalaking hamon ang pagpapanumbalik ng siglang pang-ekonomiya ng maraming bansa.
Pero dito sa Asya, dahan-dahan nang nagkakaroon ng linaw ang mga bagay-bagay, at ang mga bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at Tsina ang maituturing na tagapanguna sa pagpapanibagong ito.
Gamit ang modernong teknolohiya sa proseso ng pakikipagkomersyo, at pangangasiwa sa mga serbisyong panlunsod, naipakikita ang napakahalagang papel ng kooperasyon at pagtutulungan sa pagpapanumbalik ng kabuhayan matapos ang pandemiya.
Kaugnay nito, nang i-akma ng Tsina ang mga hakbangin kontra sa COVID-19 at pinaluwag ang mga restriksyon sa pagbibiyahe, unti-unting nanumbalik ang sigasig ng kabuhayan ng bansa, at ito ay hindi lamang nakakabuti sa mga kompanyang Tsino, kundi pati na rin sa mga ka-partner nila sa buong mundo, partikular sa Pilipinas at ASEAN.
Upang mailahad sa mga Pilipino, mamamayan ng timogsilangang Asya, at buong mundo ang kahalagahan ng modernong teknolohiya sa proseso ng pagpapaunlad ng kabuhayan, tungo sa pagpapalakas ng pagkakaunawaan, kooperasyon, at pagpuksa sa karalitaan, inorganisa ng ASEAN-China Centre (ACC), China Daily, at Cyberspace Administration of Shenzhen ang “ASEAN Media’s View on Digital China-Media Tour,” mula Pebrero 20 hanggang 23, 2023.
Isa po ang inyong lingkod sa mga pinalad na naimbitahan.
Ang artikulong ito ay isang paglalagom sa mga personal kong nasaksihan at naramdaman sa naturang biyahe, at isa ring pagtatatangka upang maipa-alam sa buong mundo ang mga umiiral na kooperasyon sa pagitan ng mga kompanyang Pilipino at Tsino na nagpapabuti ng kabuhayan ng dalawang bansa.
Bakit Shenzhen?
Ang lunsod Shenzhen, lalawigang Guangdong, sa gawing Timog ng Tsina ay kilala sa larangan ng lohistika, e-komersyo, paggamit ng modernong teknolohiya, intelehenteng lunsod o smart city, inobatibong lakas-manggagawa, inklusibo’t positibong atityud sa pag-unlad, at marami pang iba, kaya naman ito ang napiling lugar na dalawin ng mga media na nagsasahimpapawid para sa mga bansang ASEAN.
Kabilang sa mga ito ay Serbisyo Filipino-China Media Group (CMG), Vietnam TV (VTV), Khmer Daily, China Daily, at Shenzhen Daily.
Paglabas ko pa lamang sa paliparan ay nadama ko na agad ang komportableng atmospera ng lunsod.
Ang hangin ay hindi masyadong malamig at hindi rin mainit – tamang-tama lamang para sa isang biyaherong diyornalistang kagaya ko.
Agad din kaming sinalubong ng mga kasamahang media mula sa Shenzhen Daily at mga personahe mula sa lokal na pamahalaan ng Shenzhen upang bigyan ng mainit na pagtanggap.
Ang aming pagdating sa Paliparan ng Shenzhen
Shenchuangjian at We Bank
Matapos naming mananghalian, agad kaming tumulak sa Shenchuangjian Holdings Group Co., Ltd., isang kilalang cross border e-commerce at logistics na kompanya sa Qianhai Comprehensive Bonded Zone.
Dahil wala akong masyadong alam sa larangan ng cross border e-commerce, inakala ko noong una, na ito ay isa lamang sa maraming kompanyang Tsino na nagnenegosyo sa ibayong-dagat.
Pero, laking gulat ko nang sabihin ng representante nila, na sila ang nagsusuplay ng mga produktong ibinebenta ng Lazada at Shopee.
Kung ang Tsina ay may Taobao at Jingdong, ang ASEAN ay mayroon namang Lazada at Shopee, at marami sa ating mga Pilipino ang namimili sa mga online shopping platform na ito.
Ang dalawang ito ay mahalagang kasangkapan para sa ating mga Pilipino upang mabili ang mga esensyal na pangangailangan sa buhay, lalo na noong kasagsagan ng pandemiya.
Maliban diyan, ang Lazada at Shopee ay bahagi ng didyital na ekonomiya na nagbibigay ng trabaho sa maraming Pilipino at nagpapasulong sa kabuhayan ng Pilipinas.
Ayon pa sa representante ng Shenchuangjian, dahil sa estratehikong lokasyon ng Shenzhen, paborableng polisiya ng lokal na pamahalaan, at matatag na imprastruktura ng kadena ng suplay at industriya, madaling naipapadala ang mga produkto sa mga warehouse ng Lazada at Shopee sa timongsilangang Asya, sa abot-kayang halaga.
Sa pamamagitan nito, presyong kaibigan ding naibebenta ng Lazada at Shopee ang mga produkto sa mga konsyumer, aniya pa.
Mga kalahok na media habang nakikinig sa representante ng Shenchuangjian Holdings Group Co., Ltd.
Shenzhen Cross Border E-commerce Logistics Supervision Center kung saan ini-inspeksyon ang mga produktong dadalhin sa mga bansang ASEAN
Mga kargamentong dadalhin sa mga bansang ASEAN
Matapos ito, pinuntahan naman namin ang We Bank, isang didyital na bangkong tumutulong sa pagtatayo at pagpapalago ng mga micro, small at medium business enterprises (MSMEs) sa Tsina.
Ipinakita nila sa akin ang papel na ginagampanan ng Artificial Intelligence (AI), cloud computing, big data, at block chain sa proseso ng pagkilala sa mga nais kumuha ng pinansiyal na serbisyo; moderno at didyital na paraan ng pagbibigay-pautang; makabagong proseso ng pagbubukas ng account; rebolusyonaryong sistema ng pakikipagkooperasyon sa iba pang pinansyal na institusyon, na magbibigay ng malaking tulong sa maliliit na negosyo at mga taong nais magtayo ng negosyo; at marami pang iba.
Gusali ng We Bank
Nakikinig sa paliwanag
Ilan sa mga didyital na serbisyong alok ng We Bank sa pamamagitan ng APP nito
Artikulo: Rhio Zablan
Patnugot: Jade
Espesyal na pasasalamat kay Lydia Tang at China Daily