Dahil sa mga suliraning pangkabuhayang dulot ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19), sigalot sa pagitan ng mga bansa sa Europa, heopolitika, at marami pang iba, nahaharap ngayon sa napakalaking hamon ang pagpapanumbalik ng siglang pang-ekonomiya ng maraming bansa.
Pero dito sa Asya, dahan-dahan nang nagkakaroon ng linaw ang mga bagay-bagay, at ang mga bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at Tsina ang maituturing na tagapanguna sa pagpapanibagong ito.
Gamit ang modernong teknolohiya sa proseso ng pakikipagkomersyo, at pangangasiwa sa mga serbisyong panlunsod, naipakikita ang napakahalagang papel ng kooperasyon at pagtutulungan sa pagpapanumbalik ng kabuhayan matapos ang pandemiya.
Kaugnay nito, nang i-akma ng Tsina ang mga hakbangin kontra sa COVID-19 at pinaluwag ang mga restriksyon sa pagbibiyahe, unti-unting nanumbalik ang sigasig ng kabuhayan ng bansa, at ito ay hindi lamang nakakabuti sa mga kompanyang Tsino, kundi pati na rin sa mga ka-partner nila sa buong mundo, partikular sa Pilipinas at ASEAN.
Upang mailahad sa mga Pilipino, mamamayan ng Timogsilangang Asya, at buong mundo ang kahalagahan ng modernong teknolohiya sa proseso ng pagpapaunlad ng kabuhayan, tungo sa pagpapalakas ng pagkakaunawaan, kooperasyon, at pagpuksa sa karalitaan, inorganisa ng ASEAN-China Centre (ACC), China Daily, at Cyberspace Administration of Shenzhen ang “ASEAN Media’s View on Digital China-Media Tour,” mula Pebrero 20 hanggang 23, 2023.
Isa po ang inyong lingkod sa mga pinalad na naimbitahan.
Ang artikulong ito ay isang paglalagom sa mga personal kong nasaksihan at naramdaman sa naturang biyahe, at isa ring pagtatatangka upang maipa-alam sa buong mundo ang mga umiiral na kooperasyon sa pagitan ng mga kompanyang Pilipino at Tsino na nagpapabuti ng kabuhayan ng dalawang bansa.
Bakit Shenzhen?
Ang lunsod Shenzhen, lalawigang Guangdong, sa gawing Timog ng Tsina ay kilala sa larangan ng lohistika, e-komersyo, paggamit ng modernong teknolohiya, intelehenteng lunsod o smart city, inobatibong lakas-manggagawa, inklusibo’t positibong atityud sa pag-unlad, at marami pang iba, kaya naman ito ang napiling lugar na dalawin ng mga media na nagsasahimpapawid para sa mga bansang ASEAN.
Kabilang sa mga ito ay Serbisyo Filipino-China Media Group (CMG), Vietnam TV (VTV), Khmer Daily, China Daily, at Shenzhen Daily.
PingAn Group at Meituan
Sa ikalwang araw ng aming pagdalaw sa Shenzhen, maaga naming binisita ang PingAn Group at Meituan.
Ang PingAn Group ay isang kompanya ng retail financial service o personal na pagbabangko, at nangungunang Health Maintenance Organization (HMO) ng Tsina.
Sa aking panayam kay Matthew Chen, Chief Executive Officer (CEO) ng OneConnect, financial technology (fintech) arm ng PingAn, sinabi niyang may malakas na pakikipagkooperasyon ang PingAn sa Pilipinas.
Matthew Chen
Aniya, noong dati, marami sa mga Pilipino ang walang account sa bangko, at dahil dito, wala rin silang akses sa mga serbisyong alok ng mga bangko.
Kaya naman, kapag ang isang Pilipino ay nangailangan ng pera o anumang serbisyong pinansiyal, siya ay nagpupunta sa mga kaibigan, magulang, at gumagawa ng iba pang paraan, dahil wala siyang akses sa mga serbisyo ng bangko.
Upang mapabuti ang situwasyong ito, nakipagtulungan aniya ang PingAn sa mga pinansiyal na institusyon ng Pilipinas upang mabigyan ng financial retail service ang mga Pilipino sa pamamagitan ng GCash.
Dahil sa GCash, nagkaroon aniya ng akses ang mga Pilipino sa modernong serbisyong pampinansiya.
Punong himpilan ng PingAn sa Shenzhen
Maliban diyan, sa pamamagitan ng teknolohiyang pinansiyal na gumagamit ng AI, cloud computing, big data, at block chain, nakipagkooperasyon ang PingAn sa isang bangkong Pilipino upang maitayo ang isang didyital na bangkong magseserbisyo sa mga indibiduwal.
At dahil ang bangkong ito ay isang didyital na bangko, hindi na kailangan ang pisikal na imprastruktura, pero naibibigay pa rin ang lahat ng serbisyo sa pamamagitan ng mga nakatayo nang imprastrukturang pampinansiya tulad ng GCash kiosk sa mga 711 convenient store.
Ngayon, hindi lamang GCash e-wallet mayroon ang mga Pilipino, mayroon na rin silang didyital na bangko, kung saan, maaari nilang i-deposito ang kanilang pera mula sa e-wallet.
Ani Chen, maipagkakaloob din ng bangkong ito ang serbisyong pinansiyal o pautang sa oras na kakailanganin ng mga Pilipino.
Sa kasalukuyan, mayroon nang mga 2 milyong kostumer ang nasabing didyital na bangko, saad niya.
Sa usapin naman ng pa-utang para sa pagtatayo ng mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs), sinabi ni Chen na gumawa na sila ng sistemang pinansiyal na sinubukan sa Hong Kong, at sa lalong madaling panahon, isasagawa na rin ito sa Pilipinas.
Modernong disenyo sa loob ng punong himpilan ng PingAn
Samantala, ang Meituan ay isa naman sa mga pinakamalaking kompanya ng pagdedeliber ng pagkain sa Tsina – kung sa Pilipinas ay mayroon tayong Grab Food, Food Panda, Lala Food, at Zomato, sa Tsina ay mayroon naman silang Meituan.
Katulad din ng PingAn, ang Meituan ay may sariling sistema ng AI, big data, cloud computing, at block chain na ginagamit sa pagmamani-obra at pagpapatakbo ng kanilang operasyon sa bansa.
Pero, hindi lamang pagdedeliber ng pagkain sa pamamagitan ng elektronikong motorsiklo ang ginagawa ng Meituan.
Dahil sa kanilang matatag na kadena ng modernong teknolohiya, nagagawa na nila ang pagdedeliber ng pagkain sa pamamagitan ng mga drone – tama po ang nabasa ninyo, ang Meituan ay gumagamit ng drone sa pagdedeliber ng pagkain.
Hindi lang iyan, mayroon din silang self-driving na sasakyan, na tagapagdeliber din ng pagkain.
Sa sandaling umorder ang kostumer, idedeliber ng mga ito ang pagkain sa takdang lokasyon o istasyon, at doon na maaaring kunin ang inorder.
Ang drone (kanan) at self-driving na sasakyang gamit ng Meituan
Haytek hindi po ba?
Ang sistemang ito ay inilabas at sumikat noong panahon ng pandemiya, dahil pinapaliit nito ang tsansa ng pagkalat ng virus.
At yamang din lamang na napag-usapan natin ang tungkol sa virus, nakipagkooperasyon din ang Meituan sa pamahalaang Tsino upang ideliber, sa pamamagitan ng mga drone ang mga bakuna at iba pang kagamitang medikal sa panahon ng pandemiya.
Malaking serbisyo ang ibinigay ng mga ito sa paglaban sa pagkalat ng virus noong panahong iyon.
Sa tingin ko, isa ito sa mga bagay na maaaring kapulutan ng aral ng pamahalaan ng Pilipinas upang mapabuti ang serbisyo publiko para sa ating karaniwang mamamayan.
Ang inyong lingkod habang nakasakay sa e-motorsiklong pandeliber ng pagkain
Artikulo/video: Rhio Zablan/CFP
Patnugot: Jade
Espesyal na pasasalamat kay Lydia Tang at China Daily