Hinggil sa plano ng Kanada na patawan ng karagdagang taripa ang mga ibinebentang de-kuryenteng kotse at iba pang produkto ng Tsina sa bansa, ipinahayag, Agosto 27, 2024, ng Ministri ng Komersyo ng Tsina (MOC), na isinasantabi ng aksyong ito ang katotohanan at regulasyon ng World Trade Organization (WTO).
Anang MOC, maraming beses nang naghayag ng solemnang representasyon ang Tsina tungkol sa usaping ito, pero, patuloy pa rin ang Kanada sa nasabing gawain.
Matatag itong tinututulan ng Tsina, hayag ng MOC.
Anito, hinihimok ng Tsina ang Kanada na agarang itama ang maling aksyon.
Isasagawa ng Tsina ang lahat ng kinakailangang hakbangin para matatag na mapangalagaan ang makatuwirang karapatan at kapakanan ng mga kompayang Tsino, saad ng ministri.
Hayag pa nito, maraming beses nang binigyan-diin ng Tsina, na ang pag-unlad ng industriya ng bansa, na kinabibilangan ng mga de-kuryenteng sasakyan ay bunga ng bukas na kompetetisyon.
Popular anito ang mga de-kuryenteng sasakyan ng Tsina sa mga mamimili ng buong daigdig, dahil malaki ang ambag ng mga ito sa pagharap sa pagbabago ng klima at berdeng pagbabago.
Ang nasabing aksyon ay tipikal na proteksyonismo, nakakasira sa katatagan ng industrial at supply chain ng dagidig, nakakapinsala sa kapakanan ng mga kompanya ng dalawang bansa, makaka-apekto sa benepisyo ng mga mamimili, hahadlang sa pagsisikap ng Kanada tungo sa berdeng pagbabago, maglalagay ng balakid sa pagharap ng mundo sa pagbabago ng klima, at magbibigay ng hamon sa relasyong pangkabuhayan at pangkalakalan ng Tsina at Kanada, dagdag ng MOC.
Salin:Sarah
Pulido:Rhio