Idinaos, Setyembre 7, 2024, sa Tianjin, lunsod sa hilagang Tsina, ang Ika-2 Bise-Ministeryal na Pulong ng Commercial and Trade Working Group ng Tsina’t Amerika.
Pinanguluhan nina Wang Shouwen, kinatawan sa kalakalang pandaigdig at Pangalawang Ministro ng Komersyo ng Tsina, at Marisa Lago, Pangalawang Kalihim ng Komersyo ng Amerika ang pulong, at isinagawa ng dalawang panig ang propesyonal, makatuwiran, at pragmatikong pag-uusap sa mga suliraning may kinalaman sa patakaran at negosyo.
Ipinahayag ng panig Tsino ang lubos na pagkabahala sa mga hakbangin ng panig Amerikano, na gaya ng pagpapataw ng mga taripa batay sa Section 301, paglulunsad ng imbestigasyon sa industriya ng paggawa ng bapor at iba pang sektor ng Tsina batay sa Section 301, pag-abuso sa paggamit ng konseptong "pambansang seguridad," pagpapataw ng mga sangsyon laban sa mga kompanyang Tsino, paglilimita sa bilateral na pamumuhunan, mga remedyang pangkalakalan laban sa Tsina, di-pantay na pakikitungo sa mga kompanyang Tsino sa Amerika, at paggamit ng "sobrang kapasidad" bilang pangangatuwiran sa pagsasagawa ng restriksyon sa kalakalan at pamumuhunan.
Samantala, sumang-ayon naman ang kapuwa panig, na suportahan ang mga aktibidad sa promosyon ng kalakalan at pamumuhunan na gagawin ng isa’t-isa; panatilihin ang pag-uugnayan sa mga aspektong tulad ng cross-border na daloy ng mga data, inspeksyon at kuwarentenas, serbisyong medikal, kalusugan ng kababaihan, mga kagamitang medikal at malinis na enerhiya; itaguyod ang mga proyektong pangkooperasyon ng mga negosyong Tsino at Amerikano; at palakasin ang kooperasyon sa ilalim ng mga mekanismo ng G20, Asia-Pacific Economic Cooperation, at iba pa.
Editor: Liu Kai
Pulido: Rhio Zablan