Nagtagpo kahapon, Setyambre 9, 2024 sa Beijing sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Punong Ministro Pedro Sánchez ng Espanya.
Binigyang-diin ni Xi na sa ika-3 Sesyong Plenaryo ng Ika-20 Komite Sentral Partido Komunista ng Tsina (CPC), isinagawa ng panig Tsino ang sistematikong plano para sa mas komprehensibong pagpapalalim ng mga reporma at pagpapasulong ng modernisasyong Tsino na magdudulot ng bagong pagkakataon para sa pagpapalalim at pagpapalawak ng kooperasyon ng Tsina at Espanya.
Ipinahayag niyang dapat igiit ng dalawang bansa ang inklusibo at mutwal na pagkatuto, palakasin ang mga pagpapalitan sa mga larangang tulad ng edukasyon, kabataan, kultura at turismo, at itaguyod ang pagkakaibigan ng mga mamamayan ng dalawang bansa.
Hinahangaan aniya ng Tsina ang aktibong pagpapasulong ng pagpapalitan at kooperasyon ng Tsina at Espanya sa panahon ng termino ng huli bilang bansang tagapangulong ng Unyong Europeo (EU), sa huling hati ng taong 2023.
Sinabi niya na ang taong 2025 ay ika-50 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng Tsina at EU, at kasama ng EU, nakahanda ang Tsina na lagumin ang karanasan ng pag-unlad ng bilateral na relasyon at pasulungin ang matatag na pag-unlad ng kanilang relasyon. Umaasa siya na patuloy na gaganap ang Espanya ng positibong papel para rito.
Tinukoy din ni Xi na kasama ng Espanya, nakahanda ang panig Tsino na palawakin ang kooperasyon patungo sa pamilihan ng ikatlong panig at pahigpitin ang pag-uugnayan at kooperasyon sa mga pandaigdigang organisasyong gaya ng United Nations at Group 20.
Ipinahayag naman ni Sánchez na umaasa siyang pahihigpitin ng dalawang bansa ang kooperasyon sa mga larangang gaya ng kultura, kabuhayan, kalakalan at kotse na may bagong enerhiya.
Aniya, nakahanda ang kanyang bansa na ipagkaloob ang mainam na kapaligiran para sa mga bahay-kalakal ng Tsina.
Saad pa niya, matatag na iginigiit ng Espanya ang prinsipyong isang-Tsina, kinakatigan ang malayang kalakalan at prinsipyo ng pagbubukas ng pamilihan at nakahandang patuloy na gumanap ng positibong papel para sa malusog na pag-unlad ng relasyong EU-Sino.
Bukod dito, tinalakay din ng magkabilang panig ang tungkol sa krisis ng Ukraine at sagupaan ng Palestina at Israel.
Salin: Ernest
Pulido: Ramil