Great Hall of the People, Beijing — Magkakahiwalay na kinatagpo gabi ng Setyembre 6, 2024 ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina sina Pangulong Faustin-Archange Touadera ng Central African Republic at Pangulong Salva Kiir ng South Sudan na kalahok sa 2024 Summit of the Forum on China-Africa Cooperation (FOCAC).
Sa kanyang pakikipagtagpo kay Touadera, inihayag ni Xi ang paghanga ng panig Tsino sa ibinibigay na matatag na suporta ng Central African Republic sa Tsina sa mga isyung may nukleong kapakanan ng bansa, at patuloy na kakatigan ng panig Tsino ang ginagawang pagsisikap ng Central African Republic sa pangangalaga sa pagsasarili at seguridad ng bansa.
Ani Xi, kasama ng Central African Republic, nakahanda ang Tsina na palakasin ang pagpapalitan ng karanasan ng pangangasiwa ng estado upang makalikha ng mas magandang pamumuhay para sa mga mamamayan ng kapuwa bansa.
Ipinahayag naman ni Touadera na buong tatag na iginigiit ng kanyang bansa ang prinsipyong isang-Tsina, at ipinalalagay na ang Taiwan ay isang di-maihihiwalay na bahagi ng Tsina.
Sinabi niya na ang polisyang diplomatiko ng Tsina ay nakakapagpasulong sa kapayapaan at kaunlarang pandaigdig, at lubos aniyang pinapurihan ng kanyang bansa ang ginagampanang namumunong papel ng panig Tsino sa mga suliraning pandaigdig.
Sa kanya namang pakikipagtagpo kay Kiir, tinukoy ni Xi na nitong 13 taong nakalipas sapul nang maitatag ang relasyong diplomatiko ng Tsina at South Sudan, matibay ang pagtitiwalaang pulitikal, at kapansin-pansing bunga ang natamo ng kooperasyon ng kapuwa bansa sa iba’t-ibang larangan.
Ipinagdiinan ni Xi na sinusuportahan ng Tsina ang South Sudan sa matatag na pagpapasulong ng proseso ng transisyong pulitikal, at tinututulan ang panghihimasok ng anumang dayuhang puwersa sa mga suliraning panloob ng South Sudan.
Ipinahayag naman ni Kiir na ang malalim na pagkakaibigan ng South Sudan at Tsina ay nababatay sa paggagalangan, paguunawaan, at pagkakatigan sa isa’t-isa.
Salamat sa ibinibigay na tulong at suporta ng Tsina, napanumbalik ang kabuhayan at napabuti ang pamumuhay ng mga mamamayan ng South Sudan, aniya.
Dagdag pa niya, buong tatag na iginigiit ng South Sudan ang prinsipyong isang-Tsina, at inaasahang walang patid na mapapaunlad ang estratehikong partnership ng kapuwa bansa.
Salin: Lito
Pulido: Ramil