Pagpapalalim ng presensya sa merkadong Tsino, ipinanawagan ni Li Qiang sa mga kompanyang Saudi

2024-09-12 17:07:33  CMG
Share with:


Riyadh, Saudi Arabia - Sa pakikipagtagpo sa mga kinatawan ng sirkulo ng komersyo ng Saudi Arabia, Miyerkules, Setyembre 11, 2024, hinimok ni Premyer Li Qiang ng Tsina ang mga kompanyang Saudi na palalimin ang kani-kanilang presensya sa merkadong Tsino, at mamuhunan batay sa mas malaking kompiyansa.

 

Ipinanawagan din niya sa mga kompanyang Saudi na aktibong maging tulay upang palakasin ang pagkakaibigan at pag-uunawaan sa pagitan ng Tsina at Saudi Arabia, at pasulungin ang komprehensibo’t estratehikong parternship ng dalawang bansa sa makabagong antas.

 

Nagpupunyagi aniya ang pamahalaang Tsino para buuin ang isang primera klaseng marketisado, legalisado, internasyonalisadong kapaligirang pang-negosyo.

 

Ibayo pang paluluwagin ng Tsina ang market access, ganap na aalisin ang mga restriksyon sa banyagang pamumuhunan sa sektor ng manupaktura, pabibilisin ang pagbubukas ng mga sektor ng serbisyo na gaya ng telekomunikasyon, at ipagkakaloob ang malaking suporta sa mga banyagang kompanya, dagdag niya.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Rhio