Ipinanawagan, Setyembre 18, 2024 ni Dai Bing, Pangalawang Pirmihang Kinatawan ng Tsina sa United Nations (UN), sa dalawang nagsasagupaang panig ng Sudan, na panatilihin ang pagtitimpi at pahupain ang tensyon para maiwasan ang mas malawak at malubhang kapinsalaan at kapahamakan.
Sa pulong ng United Nations Security Council (UNSC), sinabi ni Dai, na ang pandaigdigang batas-humanitaryo ay sandigang dapat sundin ng iba’t-ibang panig, at ang mga sibilyan at pasilidad pansibilyan ay hindi dapat maging target ng atakeng militar.
Nananawagan ang panig Tsino sa dalawang nagsasagupaang panig ng Sudan, na sundin ang pandaigdigang batas-humanitaryo at pangalagaan ang seguridad ng mga sibilyan, saad niya.
Ang kasalukuyan aniyang pangunahing gawain ay pagpapahupa ng makataong krisis, kaya’t kinakatigan ng Tsina ang lahat ng diplomatikong pagsisikap para mapanumbalik ang kapayapaan sa Sudan.
Salin: Ernest
Pulido: Rhio