2024 Beijing Culture Forum, nagbukas sa Beijing

2024-09-20 10:34:39  CMG
Share with:


Sa ilalim ng temang “Pasulungin ang mga Pagpapalitang Pangkultura para sa Komong Progreso,” binuksan, Huwebes, Setyembre 19, sa Beijing, kabisera ng Tsina ang 2024 Beijing Culture Forum (BCF).

 

Binubuo ng isang pangunahing porum, anim na sub-porum at ilampung propesyonal na seminar, ang BCF ay nilalahukan ng daan-daang panauhin mula sa loob at labas ng Tsina. 


Nakatakdang talakayin ng mga kalahok ang mga paksang gaya ng pagpapalitan ng kaalaman sa pagitan ng mga sibilisasyon, espirituwal na pamumuhay at pag-unlad na industriyal, at pangangalaga at pagpapamana ng intangible cultural heritage.

Kasabay nito, idaraos din ang isang serye ng mga aktibidad pangkultura, na kinabibilangan ng mga pagtatanghal sa Beijing Performing Arts Center, mga komperensya ukol sa pamumuhunan sa industriyang kultural, mga diyalogo sa pagitan ng mga kabataang Tsino’t dayuhan, at book fair na tinaguriang "Temple of Earth and Me" sa Parke ng Ditan.


Unang idinaos noong 2022, layon ng BCF, na ilatag ang plataporma sa pagpapasulong ng pagpapalitan at mutuwal na pagkatuto ng iba’t-ibang kultura, at pagpapatupad sa Global Civilization Initiative (GCI) na iniharap ng Tsina. 


Ang 2024 BCF ay tatagal hanggang Sabado, Setyembre 21. 

 

Salin: Jade

Pulido: Rhio