Hakbangin sa pagpapalaki ng kabuhayan, isasagawa ng Tsina

2024-10-08 15:29:24  CMG
Share with:

Sa news briefing ngayong araw, Oktubre 8, 2024, inihayag ni Zheng Shanjie, Puno ng Pambansang Komisyon sa Pag-unlad at Reporma ng Tsina, na bilang tugon sa mga bagong isyu’t kalagayan ng pambansang kabuhayan, buong sikap na i-implementa ng pamahalaang Tsino ang isang serye ng mga hakbangin para pasulungin ang sustenableng pagbangon at paglaki ng kabuhayan.

 

Aniya, pokus ng mga hakbangin ang limang larangang gaya ng presyur na dulot ng pagbagal ng takbo ng kabuhayan, pagkukulang sa pangangailangang panloob, kahirapan sa pagtakbo ng mga kompanya, mahinang pamilihan ng real estate, at pagtaas-baba ng stock market.

 

Layon aniya ng mga ito na pataasin ang kalidad ng pag-unlad ng kabuhayan, suportahan ang malusog na pag-unlad ng real economy at igarantiya ang de-kalidad na pag-unlad at seguridad sa mataas na antas.

 

Hayag pa ni Zheng, kahit kinakaharap ng kabuhayang Tsino ang masalimuot na kalagayan sa loob at labas na bansa, nananatiling matatag ang takbo ng pambansang kabuhayan.

 

Matatag ang produksyon ng agrikultura at posibleng maging masagana ang ani ng pagkaing-butil ngayong taon, aniya pa.

 

Sinabi rin ni Zheng, na mabilis ang paglaki ng industriya at pangangailangan ng konsumo, at nagiging mas optimistiko ang estrukturang pangkabuhayan ng Tsina.

 


Salin: Ernest

Pulido: Rhio