Sa kanyang mensahe, Oktubre 16, 2024, sa seremonya ng pagpaparangal ng 2024 United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) Prize for Girls' and Women's Education, inihayag ni Peng Liyuan, Unang Ginang ng Tsina at Espesyal na Sugo ng UNESCO sa Pagsusulong ng Usapin ng mga Batang Babae at Edukasyon ng Kababaihan ang mataas na pagkilala at pinakamahusay na pagbati sa mga organisasyong ginawaran ng parangal mula Uganda at Zambia.
Aniya, ang edukasyon ng mga batang babae at kababaihan ay may malaking kaugnayan sa kanilang paglago at pag-unlad, sa kapakanan ng maraming pamilya, at kinabukasan ng mundo.
Kaugnay nito, umaasa siyang isusulong ng bawat sektor ang malakas na suporta para sa edukasyong pangkalusugan at didyital na edukasyon ng mga batang babae at kababaihan; pa-uunlarin at i-aayon ang edukasyong pang-agham para sa kanila; at tutulungan silang makamtan ang mas mabuting kalusugan, kasanayang didyital, at kaalaman sa agham, partikular sa kakayahan ng paglikha ng inobasyon at pagsisimula ng negosyo.
Ito aniya ay upang makatulong sa pagsusulong ng edukasyon at pag-unlad ng kababaihan sa makabagong panahon.
Dagdag ni Peng, palaging pinahahalagahan ng Tsina ang adhikain ng edukasyon para sa mga batang babae at kababaihan, at aktibong isinusulong ang pandaigdigang adhikain ng edukasyon para sa kababaihan, habang patuloy na pinapabuti ang kapaligiran ng edukasyon para sa kababaihang Tsino.
Bilang espesyal na sugo ng UNESCO, inihayag niya ang pagnanais na makipagtulungan sa bawat partido upang pagsama-samahin ang mga pagsisikap tungo sa pagkakamit ng pagkakapantay-pantay ng kasarian at maisulong ang pandaigdigang layunin para sa kababaihan.
Ang UNESCO Prize for Girls' and Women's Education, na itinatag ng Tsina sa pakikipagtulungan sa UNESCO, ay ang nag-iisang parangal ng organisasyon para sa pagsusulong ng edukasyon ng mga batang babae at kababaihan.
Ito ay may mahalagang papel sa pagpapalaganap ng konsepto ng pagkakapantay-pantay ng kasarian sa edukasyon at mga kaugnay na mabuting gawain, at sa pagpapatupad ng pagkakapantay-pantay ng kasarian bilang pandaigdigang priyoridad.
Salin:Sarah
Pulido:Rhio