Sa taunang pulong ng Financial Street Forum na binuksan ngayong araw Oktubre 18, 2024 sa Beijing, ipinatalastas ng mga opisiyal ng Tsina ang mga hakbangin para ibayo pang pasiglahin ang kompiyansa ng pamilihan.
Ipinahayag ni Pan Gongsheng, Gobernador ng Bangko Sentral ng Tsina, na inilabas na ng bangko sentral ang mga pakataran sa pagpapababa ng interes, pagkatig sa pinansiya ng real estate at pamilihan ng pondo at sa susunod na yugto, patuloy na pasusulungin ang pagbubukas ng industriya ng pinansiya, pagpapadali ng pamumuhunan at kalakalan, at pagiging internasyonal ng Renminbi.
Ipinahayag naman ni Li Yunze, Direktor ng National Financial Regulatory Administration ng Tsina, na tututukan nito ang mga pangunahing larangan at mahinang sektor ng kabuhayan, dadagdagan ang suportang pinansyal, tutulungan ang pamilihan ng real estate na huminto sa pagbagsak, susuportahan ang pag-unlad ng bagong produktibong pwersa, at tutulungan ang mga maliliit na bahay-kalakal para maibsan ang mga paghihirap.
Ipinahayag naman ni Wu Qing, Tagapangulo ng China Securities Regulatory Commission, na patitingkarin nito ang papel ng pamilihan ng pondo at mariin na kakatigan ang mga de-kalidad at inobatibong bahay-kalakal.
Ang porum na ito ay tatagal nang tatlong araw na nilalahukan ng mahigit 500 panauhin ng mahigit 30 bansa at rehiyon ng buong daigdig.
Salin: Ernest
Pulido: Ramil